Grade 9 student sa Aklan, nakaranas ng insidente sa loob ng classroom; DepEd, naglabas ng pahayag

Grade 9 student sa Aklan, nakaranas ng insidente sa loob ng classroom; DepEd, naglabas ng pahayag

  • Isang Grade 9 na babaeng estudyante sa Malinao, Aklan ang naiulat na nakaranas ng pananakit mula sa anim na lalaking kaklase habang nasa loob sila ng kanilang silid-aralan noong Martes, Nobyembre 17, 2026
  • Ayon sa salaysay ng estudyante, nagsimula ang insidente matapos silang maiwan sa classroom ng kanilang guro bandang alas-2:30 ng hapon, kung saan nakaranas umano siya ng pang-aasar at panunukso bago mauwi sa pananakit ng kaniyang mga kaklase
  • Humingi ng hustisya ang ina ng estudyante sa pamamagitan ng paglapit sa Malinao Police at mga kinauukulan, habang isinangguni naman ng Schools Division Office of Aklan ang mga sangkot sa mga tanggapan na makapagbibigay ng kinakailangang tulong
  • Mariing kinondena ng DepEd Aklan ang insidente at tiniyak na nagpapatuloy ang koordinasyon sa pulisya, lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa patas na imbestigasyon at proteksiyon ng lahat ng batang sangkot

Isang insidente ng umano'y bullying sa isang paaralan sa Malinao, Aklan ang iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad matapos ireklamo ng isang Grade 9 na babaeng estudyante ang pananakit na ginawa umano sa kaniya ng anim na kaklase.

Read also

College student, nasa kritikal na kondisyon matapos ang insidente sa tinutuluyang kuwarto

Grade 9 student sa Aklan, nakaranas ng insidente sa loob ng classroom; DepEd, naglabas ng pahayag
Grade 9 student sa Aklan, nakaranas ng insidente sa loob ng classroom; DepEd, naglabas ng pahayag (đź“·Image for illustrative purposes only. Generated by AI)
Source: UGC

Naganap ang insidente sa loob mismo ng kanilang silid-aralan noong Martes, Nobyembre 17, 2026. Dahil dito, humingi ng hustisya ang ina ng estudyante at umapela sa mga kinauukulan na aksiyunan ang nangyari.

Batay sa salaysay ng biktima, bandang alas-2:30 ng hapon nang iwan sila ng kanilang guro matapos silang bigyan ng aktibidad at utusang magligpit sa classroom.

Habang wala umano ang kanilang guro, nagsimula siyang asarin ng ilan sa kaniyang mga kaklase. Tinawag umano siya ng mga ito na "buwaya," "bobo" at "malandi."

PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!

Nauwi rin umano sa paghagis ng tsinelas ang pang-aasar. Ayon sa estudyante, sinubukan niyang pulutin ang tsinelas na ibinato sa kaniya at ihagis ito palabas ng silid-aralan.

Gayunman, matapos ang ginawa niyang pagtugon, bigla umano siyang nilapitan at pinagtulungang saktan ng anim na lalaking kaklase.

Sa kaniyang salaysay, nagtamo siya ng mga pasa at nakaranas ng pananakit sa likod at ulo. Nakaramdam din umano siya ng pagkahilo at panlalabo ng paningin matapos ang insidente.

Read also

Erik Santos, sumailalim sa vocal rest matapos ang insidenteng ikinabahala ng kanyang mga tagahanga

Sinubukan pa raw niyang kumuha ng upuan upang maipagtanggol ang sarili laban sa mga kaklaseng nanakit sa kaniya.

Ibinahagi rin ng estudyante na hindi na umano bago sa kaniya ang makaranas ng ganitong insidente sa paaralan.

Ayon sa kaniyang salaysay, noong Grade 8 pa lamang siya ay nakaranas na rin umano siya ng pananakit matapos hampasin ng upuan sa ulo.

Dahil sa mga nangyari, patuloy din umano siyang umiinom ng maintenance na gamot para sa kaniyang ulo.

Nang malaman ang tungkol sa insidente, nagpahayag ng pagnanais na makamit ang hustisya ang kaniyang ina. Ibinahagi nito sa social media ang video kaugnay ng nangyari at lumapit din sa Malinao Police at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang humingi ng tulong.

Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang Schools Division Office (SDO) of Aklan kaugnay ng insidenteng kinasasangkutan ng mga mag-aaral ng Ciriaco L. Icaminia Sr. National High School sa Malinao.

Mariing kinondena ng tanggapan ang umano'y bullying at iba pang uri ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon sa DepEd Aklan, isinangguni na ang estudyanteng umano'y nakaranas ng bullying sa Malinao Municipal Health Office para sa Psychological First Aid (PFA). Dinala rin ang usapin sa Malinao Municipal Social Welfare Office upang mabigyan siya ng angkop na tulong at interbensiyon.

Read also

Lotlot de Leon, sinagot ang tanong tungkol sa naiwang ari-arian sa Iriga City

Isinangguni rin sa Municipal Health Office ang mga mag-aaral na umano'y sangkot sa insidente para sa kinakailangang mga interbensiyon.

Nakikipag-ugnayan din ang SDO Aklan sa mga opisyal ng paaralan, Philippine National Police (PNP), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), mga opisyal ng barangay at iba pang kinauukulang ahensya.

Layunin nitong matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mag-aaral na sangkot, gayundin ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon.

Ayon pa sa tanggapan, nagbibigay sila ng child protection measures, guidance services at psychosocial support habang iginagalang ang karapatan, dignidad at pagiging kumpidensiyal ng mga impormasyon tungkol sa mga bata.

Binigyang-diin din ng DepEd ang pagpapalakas ng pagpapatupad ng mga patakaran tungkol sa kaligtasan at proteksiyon ng mga mag-aaral upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, hiniling ng SDO Aklan sa publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, haka-haka at sensitibong larawan o video na may kinalaman sa mga mag-aaral.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Malinao PNP upang matukoy ang buong pangyayari at ang mga kaukulang hakbang na dapat gawin.

Read also

Ko Kyung Pyo, naglabas ng pahayag matapos masangkot sa kontrobersiya

Noong Setyembre 18, 2026, tatlong katao ang naiulat na nasawi habang may iba pang nasugatan sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, ayon kay Governor Reynaldo Sucayan Tamayo Jr. Nakipag-ugnayan ang Department of Education sa mga lokal na awtoridad upang alamin ang buong pangyayari at magbigay ng tulong sa mga apektado. Sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas sa bayan ng Banga matapos ang insidente.

Iniulat naman noong Nobyembre 18, 2026 ang pagkakapigil ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano'y planong pamamaril sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte. Tatlong 16-anyos na mag-aaral ang nasa kustodiya ng NBI matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) tungkol sa isang group chat. Ayon sa ulat, isa sa mga estudyante ang umano'y umamin sa pagpaplano ng naturang insidente. Nabanggit din sa ulat ang alegasyon niyang nakaranas siya ng bullying mula pa noong Grade 7.

Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!

Source: KAMI.com.gh

Authors:
Glory Mae Monserate avatar

Glory Mae Monserate