Dean's Lister at Scholar, nakapagtapos ng kolehiyo sa kabila ng hirap sa pagkamatay ng ina at pagkakaroon ng malubhang sakit ng ama
- Kahanga hanga ang pinagdaanan ni Janine Myka Jaylo kung saan nairaos niya ang huling taon ng kolehiyo habang nag-aalaga sa inang may kanser na kalaunan ay yumao rin
- Matapos mawala ng ina, nalaman naman ni Janine na ang ama naman niya ang may malubhang karamdaman
- Sa kabila ng sunod sunod na mga pagsubok sa buhay, nakapagtapos pa rin si Janine na isa pa lang Dean's lister at iskolar ng kanilang unibersidad
PAY ATTENTION: Click "See First" under the "Following" tab to see KAMI news on your News Feed!
Masakit para sa isang anak na makita ang iyong mga magulang na nahihirapan dahil sa iniinda nitong matinding karamdaman.
Dagdag pa rito ang hirap na ikaw ang nag-aasikaso iyong mga kapatid at gumagawa ng mga gawaing bahay kasabay ng pagkalinga mo sa iyong magulang na nakaratay na sa banig ng karamdaman.
Gaya na lamang ng kwento ni Janine Myka Jaylo na tunay na kahanga-hanga ang katapangang ipinakita nang malaman niyang stage 2 cancer na ang kanyang ina.
Nalaman ng KAMI na kolehiyo siya noon at iskolar pa kaya naman di naging madali para sa kanya na habang dinadamayan ang ina sa ospital, ay pinapanatili pa niyang maays ang kanyang mga grado sa unibersidad.
Nagkaroon na ng mga komplikasyon at iba pang sakit ang kanyang ina kaya naman di naglaon ay binawian din ito ng buhay.
Di katagalan, ama naman ni Janine ang dinapuan ng malubhang karamadaman. Aminado si Janine na halos sumuko na siya sa nangyayari sa buhay ngunit di siya nagpatinag.
Narito ang kabuuan ng kwento ni Janine na dudurog man sa inyong puso ngunit hahanga naman kayo sa katatagan ng 19 taong gulang na ulirang anak.
Taong 2014 ng pumasok ako sa pamantasan, dala ang mga pangarap ko, at pangarap ko para sa pamilya ko. Masaya na may halong kaba, pero, palagi kong sinasabi sa sarili ko, "kaya ko 'to". Sa unang taon ko doon, maayos ang lahat, natuto akong makisama, makipag kaibigan sa iba't ibang klase ng tao. Pero hindi ito ang tunay na simula ng aking kwento.
2015, ang taon kung saan masasabi ko na pinakamahirap. Ito yung taon na nadiagnosed ang mama ko sa breastcancer. Tandang tanda ko pa noon, buwan ng May, nagpa opera ang mama ko, dahil akala nya ay mawawala rin kaagad ang kanyang bukol. Sa hindi mawaring sitwasyon, habang kumakain kami ni papa ng tanghalian, biglang dumating ang mama ko, umiiyak. "Ma, anong nangyari, may masakit pa ba, o anong nararamdaman mo?" Hindi makasagot si mama. Iyak lang sya ng iyak. Bigla na lamang bumagsak ang luha ko ng banggitin niya "Ning, may breastcancer daw ako, stage 2" Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko alam kung kanino ako kukuha ng lakas, dahil ang lakas ko ay ang mama ko, pero sya mismo ay gumuho na rin ang mundo. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, hirap na hirap ako sa bawat araw na papasok ako ng school, wala akong mapag kwentuhan, hindi ko masabi sa mga kaibigan ko, dahil alam ko sa sarili ko, na iiyak lang ako ng iiyak at hindi na makakapag focus sa pag aaral. Umuuwi ako maluha luha ang mata, dahil sa tuwing makakarating ako ng bahay, nakikita ko ang mama ko, umiiyak sa isang sulok. Palagi akong nagtatagal sa cr, para lang hindi makita ng mama ko ang sobrang pag iyak ko. Ayokong makita nya akong umiiyak, pinipilit kong magpakatatag, pero pag ikaw pala talaga ang nasa sitwasyon na ganun, hindi mo kakayanin. Napakahirap. Papasok sa school, lumilipad ang isip ko, si mama lang ang laging naiisip ko, pero pinipilit kong labanan lahat ng kalungkutan. Oo, napakahirap mag focus lalo na sa mga subjects at projects na nagsasabay sabay.
October 2015 ng mapagdesisyunan ni mama na ipatanggal yung kanang suso nya. Humingi kami ng napakaraming signs kung ito ba yung tamang gawin namin. Pero, siguro ito talaga ang plano ng Diyos para kay mama. Alam naman natin na ang gamot para sa mga cancer ay ang mag undergo ng chemotherapy. Nagdaan muna sya sa maraming tests, at dito, nadagdagan nanaman ang bigat sa mga loob namin, hindi lang pala stage 2 si mama, kundi stage 3-C, ibig sabihin, isa nalang ay stage 4 na. Malalang malala na. Ni wala man lang kaming nakitang signs na ganun na pala kalala. Wala kaming magawa kundi tanggapin nalang. Ito na yun eh, binigyan kami ng pagsubok ng Diyos. Hindi ko alam kung paano ko kinakaya ang bawat araw na lumilipas, na alam kong unti unti ng kinakain ng cancer cells ang katawan ng mama ko. Ayun, nag undergo na sya ng chemotherapy, 8 cycles. Nakita ko kung gaano kahirap magtake ng gamot na yun, inda ng inda sa akin si mama, "nak ang sakit sakit na, hindi ko na kaya", "wala na akong maisuka ning, hindi na kaya ng katawan ko", "hindi na ako magpapachemo sa susunod na buwan" at ang pinaka masakit na narinig ko, "anak, hindi ko na kakayanin, suka ako ng suka, sobrang sakit ng ulo ko, hilong hilo ako, ang sakit ng lalamunan ko, init na init na ako, hindi na ako makakain, gusto ko nalang mamatay". Hindi ko alam kung anong sasagot ko sa mama ko, ang tanging nasabi ko nalang, "ma, mahal na mahal kita". Pero dahil sa lakas na binibigay ng Panginoon sa mama ko, nakayanan nya ang 8 cycles na yun. Pero hindi pa dito nagtatapos. Pagkatapos nyang mairaos ang chemo, nadiagnosed sya na positive sa Her-2. (isearch nyo po sa google, para mas maintindihan nyo po) Dahil dun, ipinayo ng doktor na mag undergo ulit ng chemotherapy si mama, pero triple ang epekto ng gamot na iyon. Ang hindi namin inaasahan ay, hindi lang pala hundred thousand ang presyo ng pagpapagamot para doon, kundi, 4 na milyon. 4 na milyon para madagdagan ng isa hanggang 2 taon ang buhay ng mama ko. Ang hirap magdesisyon. Lalo na ng malaman namin na hindi guaranteed ang pagsurvive ng mama ko sa cancer, ang tanging sigurado lang ay ang madugtungan ang buhay ng mama ko ng isa/dalawang taon. Sa hirap ng buhay, hindi namin alam kung paano kami makakakuha ng ganong pera, samakatuwid, hindi na namin itinuloy ang pagpapagamot ni mama para sa kanyang Her-2.
Nagpahinga lamang si mama ng ilang buwan, pagkatapos ay nag undergo naman sya ng radiation, napaka strong ng mama ko para harapin lahat ng to. Lumalakas ang loob ko dahil nakikita ko na may improvement sa mama ko. Akala namin sign na yun ng progress ng sakit nya. Ang hirap pagsabayin ng requirements sa school, tests, gawain sa bahay, pagsama kay mama sa gamutan, at pag aalaga sa kanya. Pero lahat ng to kinakaya ko.
Dumating ang 2016, naging okay ang lahat. Bumubuti ang lagay ni mama, nakakakain na sya ng maayos, nakakagawa na ulit sa bahay. Ang saya saya namin kasi nakayanan ni mama ang lahat ng gamutan nya. Pero, pagdating ng November, nagkaroon sya ng ubo, akala namin ay normal na ubo lang, umabot ng isang buwan, nagpatingin si mama, yun pala ay nagkakomplikasyon na sya. Nagkaroon sya ng komplikasyon sa baga. Hindi ko alam kung pano ko pa tatanggapin ang mga nangyayari. Kasabay nito, ang pagpapa check up ng papa ko, ang hirap, dalawa na sila. Si papa naman ay nakitaan ng doktor ng bara sa puso, binigyan lang sya ng gamot, dahil hindi namin kakayanin ang gastos para sa pagpapatanggal ng bara sa kanyang puso. Ang tanging sambit ko nalang "Lord, hindi ko na po kaya". Pero nakita kong lumalaban si mama at papa. Kaya patuloy lang sa buhay.
Lumala ng lumala ang ubo ng mama ko, hanggang sa hindi na sya makatulog sa gabi, hindi sya makahinga ng maayos, ultimo pagsuot ng short at hindi na nya kaya, lagi na nyang hinahabol ang hininga nya, dito nagsimula na lagi kaming puyat, at halos hindi na natutulog dahil binabantayan ko ang mama ko dahil hirap na hirap na talaga sya sa paghinga. Ayaw nya ng magpadala sa ospital dahil takot na sya sa mga gamot at doktor. Iyak kami ng iyak tuwing gabi, palagi na syang nagpapaalam sa akin, nagpapaalam na sya, sinasabi na ako na ang bahala sa mga kapatid ko, sa papa ko, at sa lahat. Ang hirap ng sitwasyong palagi kaming ganon. Na walang kasumiguraduhan kung hanggang saan nalang ang buhay ni mama. Natatakot ako makatulog kahit sandali, dahil baka pagdilat ko, ay mawala na ang mama ko. Nagdaan ang pasko, bagong taon, at birthday nya, January 2. Pinilit pa nyang magpakalakas para maidaos namin ang kaarawan nya. Nakita ko syang malakas ng araw na iyon. Tuwang tuwa ako kasi baka ito na yung sagot ng Diyos sa dasal namin na lumakas ang mama ko. Pero hindi pala, dumating ang January 8, nagdesisyon na ang mga kamag anak ko na dalhin na ng ospital ang mama ko dahil sobra na talaga syang hirap huminga. Para bang sing lalim ng dagat yung hininga nya, ubo ng ubo, at dumating sa punto na puro dugo na ang inilalabas nya. Ang hirap, mugtong mugto ang mga mata ko, walang araw na hindi ako umiyak. Pero nagdasal ako, hiniling ko sa Diyos na bigyan pa ng buhay si mama dahil mga bata pa kami. Natuwa ako. Natuwa kami. Kasi bigla syang lumakas at biglang nagsabi, "Ning, bilhan mo naman ako ng yum burger" naalala ko, paborito ito ng mama ko. Nung mga panahon kasi na yun ay kahit tubig hindi na nya kayang lununin. Kaya nagulat na lamang ako ng makayanan nyang kainin yun. Pagkatapos nyang kumain, nahiga, nakatulog. January 9, binuksan ko ang mga bintana sa kwarto ng mama ko sa ospital, binuksan ko ang mga kurtina, lahat ng bintana habang nakatingin ang mama ko sa langit. Hindi ko alam kung bakit ganun ang ginawa ko pero para bang may bumubulong sa akin na buksan ko ang bintana, yun pala, sign na yun na tinitignan na pala ni mama ang liwanag. Umuwi ako ng bahay, nakahiga nalang si mama ng iwan ko, pagbalik ko sa ospital ay isinama ko ang bunso kong kapatid. Nadatnan ko na nakahiga na si mama, nakapikit, hindi na gumagalaw, pero humihinga pa, paunti unti. Bigla na lamang dumilat si mama pagdating namin, umupo, tumingin sa akin at hinawakan ako, at bigla syang nag sign of the cross. Iyak na ako ng iyak pero pinipilit kong magpakalakas. Nakakaramdam na ako na hindi na magtatagal pa si mama. Kinausap ng doktor si papa at sinabing, nag aantay na lamang tayo ng oras, pasensya na ho, pero ginawa po namin ang lahat. Ang hirap. Ang sakit. Ang bigat sa damdamin. May hininga pa si mama ng mga panahong iyon pero pagsapit ng 10 ng gabi, tuluyan ng bumigay ang mama ko. Nasa hita ko ang ulunan ni mama habang nakahiga, pagkasambit ko ng "mama, uuwi na tayo, i love you so much", pagkasabi ko nun, bigla nalang huminto ang paghinga ni mama at nanlalamig na sya. Sa puntong yun, wala na akong ibang magawa, iyak ako ng iyak sa harap ng mama ko, nagmamakaawa sa Diyos na ibalik ang mama ko. Pero wala na. Wala na ang mama ko. Napakahirap dahil sa piling ko siya nawalan ng hininga. Siguro hanggang doon nalang talaga ang buhay ng mama ko. Hindi ko mabanggit dito kung gaano kasakit sa damdamin na mawalan ng mama. Hindi ko maipaliwanag kung anong nararamdaman ko. Walang salita ang makakapag sabi kung paano gumuho ang mundo namin. Wala na ang ilaw ng tahanan, wala na ang mama ko na laging nagpapaalala sa amin kung ano ang tunay na depinisyon ng "laban", wala na yung taong pinagkukuhanan ko ng lakas. Wala na.
Nang mawala ang mama ko, kasagsagan ng pasahan ng projects at yun ang panahon na Midterms namin sa school. Hindi ko alam kung paano ako mag aaral. Hindi ko alam, sa bawat tanong sa akin, hindi ko alam ang tanging nasasabi ko. Hindi ko alam kung paano ko nakayanan na magsagot ng exams namin, basta ang alam ko, wala na ang mama ko. Napakasakit. Iyak ako ng iyak, ayoko ng pumasok sa school. Nawalan na ako ng pag asa. Pero, naalala ko yung sinabi sakin ng mama ko na "Anak, ikaw na lang ang tanging pag asa ng mga kapatid mo", dahil dun nagpatuloy ako sa pag aaral. Pero sa bawat araw na lumipas na wala ang mama ko, nananalangin nalang ako sa Diyos na sana, si mama ang ipadala nyang anghel para kami'y gabayan. Nagdaan ang birthday ko na wala ang mama ko. Huling birthday ko na pala na makikita ko sya. Huli na, pero nasa kabaong pa. January 22 ng ilibing ang mama ko. Dito nagsimula ang tunay na hirap, araw araw na wala na sa piling namin si mama. Nagpatuloy kami, kami ng mga kapatid ko at ni papa.
Kinakaya, at kakayanin pa. Akala ko lahat ng naranasan namin ay yun na lahat, pero hindi pa pala. Si papa naman. December nga ng makita ng doktor na may bara sa puso nya na sanhi ng hirap ng paghinga nya at hingal. March 2017, Final examination naman namin. Si mama, midterms namin, si papa finals, hirap na hirap ako talaga, sobra. Walang anumang salita ang makakapagsabi kung anong nararamdaman ko/namin. Akala ko si mama lang, pero mayroon pa pala, si papa. Na ICU sya na nataon na finals namin. Hindi ko alam kung paano ako magpapaalam sa mga professors ko dahil ganun na ang ginawa ko nung nagmimidterms pa kami. Hating gabi noon ng itakbo namin si papa sa ospital, sabi ko sa Panginoon, "Lord hindi ko na po talaga kaya, una si mama, ngayon naman si papa" Ng mga panahong yon, akala ko dalawa sa pinakamamahal ko sa buhay ang mawawala. Ng nasa ICU si papa ay hindi sya gumigising. Halos 2 araw syang tulog. Hindi ko alam talaga ang gagawin. Pero salamat pa rin sa Diyos dahil gumising na rin ang papa ko. Inadvice sya na complete rest at hindi na magtrabaho. Naisip ko, paano na kami, paano na pamilya ko? Paano kami mabubuhay? Paano kami babangon? Nagdadasal ako kung saan saan. Pero ang tanging ipinagpasalamat ko, ay ang umayos ang lagay ng papa ko. Pero kailangan pa rin nyang mag undergo sa pagtanggal ng bara sa puso nya. Hindi na ako makapag isip ng maayos.
Alam kong napakahaba na pero, ang tanging realization ko lang, paano ko nakayanang tapusin ang semester na yun, kasabay ng pagkawala ng mama ko, at pagkakasakit ng papa ko. Sa karanasan kong ito, kasama ko ang Panginoon, ang pamilya ko, mga kaibigan, at mga mahal sa buhay. Pasensya na sa sobrang haba kong kwento, pasensya na kung magulo ang kwento ko, kasing gulo ng buhay ko. Haha. Dito ko na rin nais magpasalamat sa lahat ng taong walang sawang sumuporta sa akin at sa pamilya ko.
Are you dreaming about a body that looks like a model but have no idea where to begin your workout? Sam's Fitness Challenge Week 1 (Teaser) | BeKami on KAMI Youtube channel
Source: KAMI.com.gh