Oscar Oida, nagbabala sa panganib ng leptospirosis sa mga reporter

Oscar Oida, nagbabala sa panganib ng leptospirosis sa mga reporter

  • Nagbabala ang beteranong GMA-7 reporter na si Oscar Oida laban sa hindi kinakailangang paglusong sa tubig-baha, lalo na para lamang sa pagkuha ng eksena, matapos niyang personal na maranasan ang leptospirosis noong 2022
  • Ayon sa Department of Health, umabot na sa 521 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa Metro Manila noong Agosto 27, habang posible pang madagdagan ang bilang kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang bahagi ng Central Luzon
  • Sinabi ni Oscar na bilang reporter na regular na nasa field, mas maingat na siya ngayon at hindi basta lumulusong sa baha kung may iba namang ligtas na paraan upang maisagawa ang coverage
  • Hinimok din niya ang mga reporter at publiko na huwag balewalain ang panganib ng leptospirosis at gumamit ng angkop na protective equipment gaya ng boots o waders kung talagang kinakailangang lumusong sa baha

MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!

Nagbigay ng babala ang beteranong GMA-7 news reporter na si Oscar Oida tungkol sa panganib ng leptospirosis, partikular sa mga reporter na kailangang mag-cover sa mga lugar na apektado ng pagbaha.

Read also

Glacial collapse, itinurong sanhi ng USGS sa Nepal-Tibet floods

Oscar Oida, nagbabala sa panganib ng leptospirosis sa mga reporter
Oscar Oida, nagbabala sa panganib ng leptospirosis sa mga reporter (đź“·Oscar Oida/Facebook)
Source: Facebook

Kasunod ito ng ulat ng Department of Health noong Agosto 27 na umabot na sa 521 ang mga kaso ng leptospirosis sa Metro Manila. Posible pang tumaas ang bilang kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang bayan sa Central Luzon noong Agosto 29.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga hayop, kabilang ang mga daga.

Sa gitna ng pagbaha, maraming residente ang napipilitang lumusong sa tubig upang makapunta sa kanilang destinasyon o makalabas ng kanilang mga tahanan. Ngunit naging usapin din ang ilang pagkakataong may mga news reporter na lumulusong sa baha kahit may posibilidad namang makahanap ng ibang paraan upang maisagawa ang kanilang coverage.

PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!

May personal na dahilan si Oscar upang maging maingat sa naturang usapin. Noong Pebrero 15, 2022, nagkaroon siya ng leptospirosis at naging kritikal ang kaniyang kondisyon. Sampung araw siyang nanatili sa ICU ng Diliman Doctors Hospital sa Quezon City.

Read also

Ivana Alawi, pinalagan ang kontrobersya habang abala sa relief goods

Ngayong Agosto 30, nagbahagi siya ng kaniyang pananaw tungkol sa pag-iingat ng mga reporter na naaatasang mag-cover sa mga binahang lugar.

“Bilang reporter na na-assign sa mga coverage na patuloy na mag-expose sa akin sa posibilidad na magkaroon pa rin ng ganitong klase sakit, siyempre ibayong pag-iingat, like hindi ako basta-basta lumulusong sa mga baha at hindi ko ito ipo-promote sa mga kapwa ko reporters.”

Para kay Oscar, mahalagang piliin ang mas ligtas na paraan kung may alternatibong daan o pamamaraan para maisagawa ang trabaho.

“Kung merong ibang avenue o may ibang daan na puwedeng daanan para makatawid nang hindi lumulusong sa baha, ganoon ang dapat nating gawin.”

Hindi rin siya sang-ayon sa paglusong sa baha kung ang layunin lamang ay magkaroon ng eksena na nagpapakitang nasa baha ang reporter.

“Hindi ako sang-ayon sa lulusong ka sa baha para makita sa video na nasa baha ka. After all, established na naman na yun, e.”

Dagdag pa niya:

“Baha na dun sa lugar kaya hindi mo na kailangang isuong pa yung katawan mo sa ganoong klase ng panganib.”

Read also

Rosmar Tan, ipinakita ang bilis sa pagba-balot ng parcels sa bagong video

Dahil sa kaniyang sariling karanasan, nagbigay rin ng babala si Oscar sa mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya na hinahayaan ang mga bata na magtampisaw o lumangoy sa tubig-baha.

“Hindi biro ang leptospirosis,” sambit niya.

“Totoong panganib ang leptospirosis at muntikan na akong patayin nito so hindi ko ina-advise sa mga bata na mag-swimming sa baha.”

Hinimok niya ang mga pamilya na paalalahanan ang kanilang mga anak at mahal sa buhay tungkol sa panganib na maaaring idulot ng pagkakalubog o paglusong sa maruming tubig-baha.

“Sabihan natin ang ating mga anak, ang ating mga mahal sa buhay, dahil hindi lamang sila ang magsa-suffer.”

Ayon kay Oscar, hindi lamang ang taong nagkakasakit ang naaapektuhan kundi pati ang kaniyang pamilya.

“Kapag kayo ay naapektuhan ng leptospirosis, pati ang mga mahal ninyo sa buhay, mahihirapan din.”

Para naman sa mga reporter na talagang kinakailangang lumusong bilang bahagi ng kanilang trabaho, sinabi niyang may mga kagamitang maaaring gamitin upang mabawasan ang panganib.

“So, kung talagang hindi maiiwasan at kailangan lumusong dahil sa trabaho, may boots naman.”

Dagdag niya:

“May waders at may ibang mga paraan para iligtas ang ating mga sarili mula sa leptospirosis.”

Read also

Babae, nasawi sa pamamaril sa loob ng bahay sa Puerto Galera

Sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha, nagsisilbing paalala ang karanasan ni Oscar sa mga field reporter at sa publiko na hindi dapat isantabi ang sariling kaligtasan habang naghahatid ng impormasyon.

May nauna nang ulat ang KAMI tungkol sa isang 20-anyos na lalaki mula Malabon na nagkaroon ng leptospirosis matapos lumusong sa baha sa loob ng ilang araw habang hinahanap ang kaniyang ama. Ayon sa ulat, kalaunan ay natagpuan ng pamilya ang ama nito na nasa kustodiya ng pulisya. Ipinakita ng insidente kung paano maaaring magkaroon ng seryosong panganib sa kalusugan ang matagal na exposure sa tubig-baha.

Samantala, noong Agosto 20, 2026, iniulat din ng KAMI ang pagkamatay ng isang 17-anyos na estudyante mula Navotas matapos magkaroon ng leptospirosis. Ayon sa ulat, nagkaroon umano siya ng exposure sa tubig-baha bago lumala ang kaniyang kondisyon, at nagbabala rin ang mga health official na maaaring tumaas pa ang mga kaso dahil sa madalas na malakas na ulan at pagbaha.

Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!

Source: KAMI.com.gh

Authors:
Glory Mae Monserate avatar

Glory Mae Monserate