“Hindi ako pipi, bulag o bingi”—Arnold Clavio nanindigan sa gitna ng kontrobersya
- Arnold Clavio unang tumindig para ipagtanggol sina Julius Babao at Korina Sanchez laban sa pahayag ni Mayor Vico Sotto
- Tinawag niyang paninira ang alegasyon ni Vico tungkol sa umano’y PHP10M bayad para sa interview ng mag-asawang Discaya
- Sa kabila ng matinding batikos sa social media, pinaninindigan ni Clavio ang kanyang mga salita
- Giit ng beteranong broadcaster, nananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Sa gitna ng mainit na usapin tungkol sa umano’y bayad na panayam sa mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, isa ang beteranong broadcaster na si Arnold Clavio ang hayagang tumindig para ipagtanggol ang kanyang mga kasamahan sa industriya.

Source: Instagram
Si Clavio, na kilala bilang anchor ng Unang Hirit, ay hindi nag-atubiling tutulan ang pahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto. Matatandaang nag-post si Mayor Vico hinggil sa diumano’y mga broadcaster na tumatanggap ng milyun-milyon para sa panayam, bagay na itinanggi nina Julius Babao at Korina Sanchez.
Tinawag ni Arnold na paninira ang mga pahayag ni Mayor Vico, partikular ang bahagi kung saan tinanong nito kung bakit may mga taong handang magbayad ng “10 million para lang magpa-interview.” Para kay Clavio, walang basehan ang mga ganitong paratang at nakasisira lamang sa reputasyon ng mga mamamahayag.
Kasunod nito, inulan ng matitinding batikos si Clavio mula sa netizens matapos niyang ipagtanggol sina Babao at Sanchez. Mula sa kanyang personal na buhay hanggang sa kanyang kredibilidad bilang journalist, walang pinalampas ang mga kritiko.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Sa halip na manahimik, mas pinili ni Arnold na harapin ang isyu. Sa isang Instagram post noong Biyernes, Agosto 22, at muling nitong Sabado, idiniin niyang hindi siya magpapatalo sa mga nambabatikos.
Aniya: “Hindi ako pipi para itikom ko ang aking bibig at manahimik. Hindi ako bulag para hindi ko makita ang kabuktutan at kawalanghiyaan ng mga nasa poder. Hindi ako bingi para di ko marinig ang hinaing ng marami sa kanilang abusadong namumuno.”
Giit pa ng Kapuso journalist, mananatili siyang tapat sa kanyang propesyon: “Bilang mamamahayag, PANGAKO IINGATAN KO ANG TOTOO. Hindi man ito maging popular sa marami, maninindigan at maninindigan ako. MATITIGAN KO DIRETSO SA MATA ang bawat mamamayang Pilipino na ako ay naging tapat sa aking propesyon, mula noon hanggang ngayon.”
Sa ngayon, wala pang direktang tugon si Mayor Vico hinggil sa mga buwelta ni Arnold.
Si Arnold “Igan” Clavio ay isa sa mga pinakakilalang personalidad sa broadcast media. Kilala siya bilang anchor ng mga news at public affairs programs at matagal nang bahagi ng Kapuso Network. Maliban sa pagiging journalist, madalas din siyang napapabilang sa mga diskusyon dahil sa kanyang pagiging outspoken.
Sa kabila ng ilang kontrobersya na kinaharap sa nakaraan, nananatili siyang matatag sa kanyang prinsipyo bilang tagapagtanggol ng katotohanan, ayon na rin sa kanyang mga pahayag.
Kamakailan lamang ay naging emosyonal si Arnold nang magpaalam sa kanyang malapit na kaibigan at showbiz columnist na si Lolit Solis. Sa kanyang tribute post, ikinuwento niya ang kabutihang-loob at pagiging matatag ni Lolit sa kabila ng mga pagsubok. Maraming netizens at kapwa personalidad ang nakiramay at nagpahayag ng paghanga sa malalim na pagkakaibigan nila.
Samantala, sa isa pang pagkakataon, nagkaroon din ng isyu ang broadcaster nang ma-disable ang kanyang Facebook at Messenger accounts. Ayon kay Clavio, may mga taong takot sa katotohanan kaya’t sinusubukan siyang patahimikin. Marami ang nakisimpatya sa kanya, at muli niyang idiniin na hindi siya matitinag sa kanyang misyon bilang mamamahayag.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh