John Amores at kapatid, ibinyahe na sa RTC Sta. Cruz para sa inquest proceedings
- Sumuko si PBA player John Amores at ang kanyang kapatid sa Lumban, Laguna police matapos masangkot sa isang insidente ng pamamaril
- Ang kanilang pagsuko ay isinagawa sa tulong ng kanilang kapatid na barangay chairman sa Pagsanjan
- Si Amores ang itinuturong suspek sa pamamaril na naganap sa Barangay Maytalang Uno noong Miyerkules
- Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang posibilidad na may kinalaman sa sigalot sa larong basketball ang motibo sa pamamaril
PAY ATTENTION: stay informed and follow us on Google News!
Pasado alas-12 ng tanghali ngayong Huwebes, ibiniyahe na si PBA player John Amores at ang kanyang kapatid patungo sa Regional Trial Court (RTC) sa Sta. Cruz para sa inquest proceedings matapos silang masangkot sa isang insidente ng pamamaril.
Sumuko si Amores sa mga awtoridad ng Lumban, Laguna bandang ala-una ng madaling araw kasama ang kanyang 20-anyos na kapatid. Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ang kanilang pagsuko ay isinagawa sa tulong ng kanilang kapatid na isang barangay chairman sa Pagsanjan. Iniulat din na nakatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay ang magkapatid kaya’t nagpasya silang magkusang sumuko.
"Nag-voluntary surrender po [sila] dito sa ating station dahil nagkakaroon na nga raw po sila ng threat sa kanilang buhay, pahayag ni Police Major Bob Louis Ordiz, hepe ng Lumban PNP.
Like and share our Facebook posts to support the KAMI team! Share your thoughts in the comments. We love reading them!
Si Amores ang itinuturong pangunahing suspek sa pamamaril na naganap sa Barangay Maytalang Uno noong hapon ng Miyerkules. Nakasakay siya sa isang motorsiklo na minamaneho ng kanyang kapatid nang mangyari ang insidente. Sa kabutihang palad, nakaligtas ang biktima at walang nasaktan na mga sibilyan.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang posibilidad na may kinalaman sa isang sigalot sa larong basketball ang motibo sa pamamaril. Nagsimula umano ang pagtatalo sa Barangay Salac at nauwi sa karahasan.
Matatandaang gumawa ng ingay si John Amores ng Jose Rizal University matapos niyang atakihin ang mga manlalaro ng College of St. Benilde sa kanilang laban sa NCAA basketball. Inanunsyo ng JRU na tinanggal na si Amores mula sa sports program ng paaralan. Dahil dito, tuluyang binawi ang mga pribilehiyo niya bilang isang student-athlete. Sinuspinde rin siya mula sa klase at sasailalim sa community service.
Humingi ng paumanhin si Amores para sa kanyang naging asal noong kontrobersyal na laro kung saan nanuntok siya ng ilang manlalaro ng kalabang koponan. Nag-sorry ang dating manlalaro ng JRU sa kanyang school community, mga tagasuporta ng kanyang koponan, at sa NCAA community. Umaasa siyang unti-unting mapapatawad siya ng publiko sa kanyang mga ginawa - Nakiusap din si Amores na tigilan ang pambabatikos sa kanyang mga kaanak, lalo na sa kanyang 1-taong gulang na anak na babae.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh