Kapatid ng biktima, nagsalita sa Senate hearing tungkol sa Tacloban shooting
- Nagbahagi ng salaysay sa pagdinig ng Senado si Janica Mae Bituin tungkol sa naging karanasan ng kanyang kapatid na si Jerick, isa sa mga nakaligtas sa pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at marami ang nasugatan
- Ayon kay Janica, matalik na magkaibigan ang kanyang kapatid at ang isa sa mga menor de edad na suspek, ngunit ikinuwento rin niyang napansin umano ni Jerick na kakaiba ang ikinikilos ng kanyang kaibigan ilang oras bago mangyari ang insidente
- Inilarawan din niya ang mga pangyayari sa loob ng silid-aralan, kabilang ang pagkarinig nila ng mga putok at ang naging pagtugon ng kanilang guro upang maprotektahan ang mga estudyante habang nagpapatuloy ang kaguluhan
- Patuloy namang iniimbestigahan ng Senado at iba pang ahensya ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari, kabilang ang posibilidad ng impluwensya ng online groups at iba pang salik na maaaring nag-ambag sa trahedya
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Patuloy na nagbibigay ng bagong detalye ang pagdinig ng Senado kaugnay ng naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22.

Source: UGC
Isa sa mga dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ay si Janica Mae Bituin, kapatid ng isa sa mga nakaligtas na estudyante na si Jerick.
Sa kanyang salaysay, sinabi niyang matalik na magkaibigan ang kanyang kapatid at ang isa sa mga menor de edad na suspek na tinukoy lamang sa alyas na "Nash." Ayon kay Janica, naging magkaklase pa ang dalawa noong Grade 8 at kilala silang magkaibigan.
Aniya, mabait at palakaibigan ang kanyang kapatid at kabilang si Nash sa pinakamalalapit nitong kaibigan.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Ikinuwento rin ni Janica ang mga pangyayari noong umaga ng Hunyo 22 habang nasa loob ng silid-aralan ang kanyang kapatid.
Ayon sa kanyang salaysay, naghahanda ang klase para sa isang drawing activity nang makarinig sila ng tunog na inakala nilang pagsabog. Habang papalapit ang ingay at nagsimulang magtakbuhan ang ilang estudyante, agad silang inutusan ng kanilang guro na magtago sa loob ng silid-aralan.
Sa kalaunan, sinabi ni Janica na ikinuwento sa kanya ni Jerick na nasilayan nito ang dalawang suspek sa labas ng classroom. Aniya, nakasuot umano ng mask ang isa sa mga ito.
Nang utusan ng kanilang guro ang klase na lumipat ng puwesto, tumayo umano si Jerick nang hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya ang isa sa mga suspek.
Doon umano siya tinamaan ng bala mula sa likuran.
Dahil sa tinamong pinsala, kinailangan umanong sumailalim si Jerick sa operasyon sa kanyang panga. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang nagpapagaling habang hinihintay ang payo ng kanyang mga doktor kung kailan siya maaaring makalabas ng ospital.
Isa sa mga detalyeng umantig sa mga dumalo sa pagdinig ay ang pahayag ni Janica na napansin umano ng kanyang kapatid na tila may kakaibang ikinikilos si Nash bago pa man mangyari ang insidente.
Ayon sa kanya, kilala umano si Nash bilang palabiro sa kanilang grupo ng magkakaibigan. Gayunman, napansin ni Jerick na tila iba ang disposisyon nito noong flag ceremony pa lamang.
Samantala, sinabi ni Senadora Risa Hontiveros, chairperson ng komite, na layunin ng pagdinig na alamin ang buong pangyayari at tukuyin kung may mga online group o iba pang impluwensya na maaaring nakaapekto sa mga menor de edad na sangkot sa insidente.
Patuloy ding isinasagawa ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan ang kani-kanilang imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng pangyayari at ang mga posibleng salik na humantong sa isa sa pinakamalalang insidente ng karahasan na naitala sa loob ng isang paaralan sa bansa.
Noong Hunyo 22, naganap ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City. Tatlong estudyante ang nasawi habang maraming iba pa ang nasugatan. Dalawang menor de edad ang itinurong sangkot sa insidente, at isa sa kanila ay agad na naaresto ng mga awtoridad. Simula noon, nagsagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang Philippine National Police, Department of Education, at Senado upang alamin ang motibo at iba pang posibleng dahilan ng trahedya.
Sa isa sa mga naunang ulat ng KAMI, kinumpirma ng Department of Education sa Tacloban na may ilang estudyanteng nagpasyang lumipat ng paaralan matapos ang insidente. Ayon sa DepEd, binibigyan nila ng kaukulang suporta ang mga mag-aaral at kanilang mga pamilya habang patuloy ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa mga paaralan.
Sa hiwalay na ulat, naging emosyonal ang tiyahin ng isa sa mga menor de edad na suspek habang humaharap sa pagdinig ng Senado. Ibinahagi niya ang ilang impormasyon tungkol sa kalagayan ng kanyang pamangkin at nanawagan din ng pag-unawa habang nagpapatuloy ang legal na proseso.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh


