Ride sa isang peryahan sa Pangasinan, nabiyak; 12 katao sugatan
- Labindalawang katao ang nasugatan matapos masira ang isang amusement ride sa Pangasinan
- Nangyari ang insidente sa isang peryahan sa San Jacinto noong Miyerkules ng gabi
- Biglang bumigay at nabiyak sa gitna ang ride habang ito ay may 30 kataong sakay
- Dahil sa hindi inaasahan na insidente, pansamantala munang sinuspinde ang operasyon ng peryahan
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!

Source: Original
Labindalawang katao ang nasugatan at dinala sa ospital matapos bumigay at mabiyak sa gitna ang sinasakyan nilang amusement ride sa San Jacinto, Pangasinan.
Nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon.
Batay sa pahayag ng pulisya, may 30 kataong sakay ang ride nang mangyari ang insidente.
Labindalawa sa kanila ang nagtamo ng iba’t ibang sugat at pasa sa katawan.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Ayon kay San Jacinto police chief Police Major Napoleon Velasco Jr., bumigay ang welding sa gitnang bahagi ng ride kaya ito nabali.
Hindi tuluyang bumagsak ang ride ngunit sumadsad ito matapos mag-collapse sa gitna.
Kabilang sa mga nasugatan ang isang 19-anyos na empleyado ng peryahan na sakay din ng ride.
Sinabi niya na regular namang sinusuri ang ride kaya hindi niya inaasahan ang nangyari.
Ikinuwento rin niya na nasira ang ride sa ikalawang pagbaba nito at nadaganan ang ilang bata sa gitnang bahagi.
Isang 11-anyos na bata ang kabilang sa mga dinala sa ospital matapos magreklamo ng pananakit ng dibdib.
Umapela ang ina ng bata na sana ay tulungan sila ng operator ng peryahan sa gastusin sa ospital.
Ayon sa pulisya, nangako naman ang operator ng peryahan na magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga biktima ng insidente.
Sa ngayon, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng peryahan habang patuloy ang imbestigasyon.
Wala pang inilalabas na pahayag ang operator kaugnay ng nangyari.
Panuorin ang ulat sa One North Central Luzon sa bidyong ito:
Sa naunang lokal na ulat ng KAMI, isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro ang walang awang binaril at pinatay sa loob ng kanilang tindahan sa Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija. Nakuhanan ng CCTV ang tatlong lalaki na pumasok sa tindahan, isinara ang roll-up door, at pagkatapos ay binaril hanggang mamatay ang buong pamilya. Bago tumakas, kinuha pa ng isa sa mga suspek ang isang bag at cellphone ng mga biktima. Ayon sa ulat ni Gary De Leon ng TV5 Frontline Pilipinas, nagsimulang makatanggap ng banta ang pamilya matapos silang magpahiram ng P1-M sa isang residente sa kanilang barangay, na umano’y ginamit ang pera para sa negosyo.
Sa isa pang viral na lokal na ulat, isang 51-anyos na public school teacher sa Las Piñas City ang pinagsasaksak nang maraming beses ng sariling asawa. Base sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita, nagawa ng 38-anyos na suspek ang krimen sa loob mismo ng faculty room ng paaralan. Sinabi ng pulisya na may security guard ang eskwelahan, pero dahil pamilyar na mukha ang suspek, madali siyang nakapasok at nakalabas. Sabi ng suspek, pumunta siya roon para kausapin ang kanyang asawa at ayusin ang kanilang alitan, pero nauwi ito sa matinding pagtatalo.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh

