Eman Pacquiao, emosyonal nang ipagamit na sa kanya ni Pacman ang apelyido
- Isa sa naikwento ni Eman Bacosa Pacquiao kung paano siya kinilala ng amang si Manny Pacquiao
- Sa panayam sa kanya sa programang KMJS, inilahad niya ang pangyayaring ito tatlong taon lamang ang lumipas
- Kamakailan, naging usap-usapan si Eman na sumusunod din sa yapak ng ama bilang isang boksingero
- Nag-viral din ang kanyang larawan kasama ang sinasabing kamukha umano niyang si Piolo Pascual
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho noong Nobyembre 9, ibinahagi ni Eman Bacosa Pacquiao, 21 taong gulang, ang masalimuot niyang kabataan at kung paano, matapos ang mahabang panahon, ay tuluyang inako ng amang si Manny Pacquiao bilang kanyang anak.

Source: Facebook
Naging usap-usapan si Eman matapos niyang manalo laban kay Nico Salado sa event na Thrilla in Manila 2 noong Oktubre 29—isang okasyong inorganisa ng MP Promotions ni Pacquiao upang gunitain ang ika-50 anibersaryo ng orihinal na laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Ang panalong iyon, na nakuha niya sa pamamagitan ng unanimous decision ang nagtulak kay Eman sa sentro ng atensyon kamakailan lalo na’t dala na niya ang apelyidong 'Pacquiao'.
Dumagdag pa rito ang madalas na komento ng netizens na malaki umano ang pagkakahawig niya sa aktor na si Piolo Pascual.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Kwento ni Eman sa KMJS, siyam na taong gulang siya nang subukan nilang puntahan ni kanyang ina ang bahay ni Manny sa mismong kaarawan nito. Ngunit hanggang labas lamang sila ng gate, naghihintay nang ilang oras. “Siguro hindi rin alam ng daddy ko na nandoon kami,” ani Eman.
Kaakibat ng kanyang pagkakakilanlan bilang anak ng "The People's champ" na si 'PacMan', madalas umano siyang hamunin at bugbugin ng mga kaklase gayung tanyag na boksingero ang ama.
“Maaga po akong nag-mature dahil sa mga nangyari sa buhay ko,” sabi ni Eman. “Naintindihan ko na meron siyang sariling pamilya kaya hindi na po ako nagtatanong kung bakit.”
Matapos ang isang dekadang pagkakalayo, muling nagkita sina Manny at Eman noong 2022. “Niyakap ko rin siya. Pinipigilan ko po luha ko. Sobrang saya ko na nakita ko siya noon,” emosyonal na pagbabalik-tanaw ni Eman.
Kasabay ng kanilang muling pagkikita, pinirmahan ni Manny ang isang legal na dokumento na pormal na kumikilala kay Eman bilang kanyang anak. Binigyan na siya ng ama ng pahintulot na gamitin ang apelyidong Pacquiao. “Sabi niya, ‘Anak, gawin na kitang Pacquiao para mabilis ang pag-angat mo sa boxing.’”
Bagama’t una ay nag-alinlangan si Manny na pasukin ng anak ang boksing, kalaunan ay sinuportahan niya ito. “Sabi ko sa kanya, ‘Dad, passion ko po ang boxing.’ Kaya binigyan niya ako ng mga tips at minsan, nag-training din kami nang sabay,” dagdag ni Eman.
Matapos ang kanyang panalo sa Thrilla in Manila 2, muling nagkasama sa isang litrato sina Eman, Manny, at Jinkee Pacquiao—patunay na maayos na ang kanilang relasyon. “Maayos naman po kami ni Tita. Paminsan-minsan, nag-uusap kami,” aniya.
Nakilala rin ni Eman ang kanyang lola na si Dionisia “Mommy D” Pacquiao, na agad namang napansin ang pagkakahawig nilang mag-ama. “Sabi niya, ‘Hala, kamukha mo talaga, Man,’” ani Eman, na kasalukuyang naninirahan sa Antipas, North Cotabato kasama ang kanyang ina, stepfather, at mga kapatid.
Ngayon, dala ni Eman hindi lamang ang apelyido ng kanyang ama, kundi pati ang inspirasyong magpursige sa larangan ng boksing—hindi upang patunayan ang sarili sa mundo, kundi upang patuloy na maging karapat-dapat sa pangalang Pacquiao.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh

