Arnell Ignacio, nilinaw ang isyu sa Php1.4B na OWWA land acquisition
-Tinanggal si Arnell Ignacio bilang OWWA administrator dahil sa umano’y anomalya sa Php1.4B land deal
-Iginiit ni Ignacio na legal ang naging proseso at may basbas mula sa DBM
-Ayon kay Ignacio, ang proyektong ito ay para sa mga OFWs at sinunod nila ang lahat ng requirements
-Inihayag ng Department of Migrant Workers na walang approval ng OWWA Board ang transaksyon
Narito na ang paghahanap sa KAMI! Basahin ang mga balita tungkol sa iyong paboritong mga bituin sa pamamagitan lamang ng pag-type ng kanilang pangalan sa search bar!
Sa unang pagkakataon matapos ang ilang araw ng pananahimik, nagsalita na si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio tungkol sa isyung ikinasibak niya sa puwesto.

Source: Instagram
Sa isang press conference, ipinagtanggol ni Ignacio ang kontrobersyal na Php1.4 bilyong land acquisition na tinawag ng ilan bilang "anomalous deal." Ayon sa kanya, legal ang lahat ng naging hakbang ng proyekto at wala siyang pinansyal na benepisyong nakuha rito.
Sinabi ni Ignacio na nakipag-ugnayan sila sa Department of Budget and Management (DBM) para tiyaking legal ang paggamit ng pondo. “Sinunod namin ‘yung lahat ng mga requirements at ito ay nakapasa, nabigyan kami ng Special Allotment Release Order at nagtuloy-tuloy ang proseso hanggang sa na-acquire ang lupa,” paliwanag niya. Ayon pa sa kanya, naging masusi ang pagsunod sa mga dokumento at legalidad ng transaksyon, at siniguro ng mga technical working group na wala itong bahid ng katiwalian. Ang lupang binili ay may sukat na 6,499 square meters at matatagpuan malapit sa NAIA Terminal 1, na layong gawing halfway house para sa mga umuuwing OFWs.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Ipinunto rin niya na sumunod sila sa Republic Act 10752, at sinamahan ng Land Bank ang valuation ng lupa. “Kaya po ako gulat na gulat na tinawag itong anomalous deal. This is a project na we can consider a legacy project for our OFWs,” dagdag pa ni Ignacio. Nakuha rin umano nila ang kinakailangang permit mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Sa kabila nito, kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na tinanggal siya sa puwesto matapos lumabas na walang approval mula sa OWWA Board ang pagbili ng lupa.
Si Arnell Ignacio ay isang kilalang personalidad sa larangan ng entertainment at kilala ring masugid na taga-suporta ng administrasyon. Bukod sa pagiging host, komedyante, at singer, pumasok rin siya sa serbisyo publiko at naging bahagi ng OWWA bilang administrator. Ilang beses na rin siyang naitalaga sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, kabilang na ang pagiging Deputy Executive Director ng OWWA at host sa mga programa ng gobyerno. Palaging lantad si Arnell sa kanyang mga saloobin at kilala sa pagiging prangka sa social media.
Sa komentaryo ni Lolit Solis, binanggit niyang ang isang opisyal ng gobyerno tulad ni Arnell Ignacio ay dapat madaling maabot o makontak, lalo na sa panahon ng krisis. Ayon kay Lolit, hindi dapat nawawala o tahimik ang isang opisyal kapag may isyu sa kanyang nasasakupan.
Ibinahagi rin ni Lolit Solis ang kanyang reaksyon sa isyung kinahaharap ni Ignacio. Ayon sa kanya, tila sunod-sunod na problema ang dumarating sa gobyerno, at hindi niya napigilang matawa sa gulo ng sitwasyon. Binanggit din niya na umaasa siyang maging maayos ang lahat para kay Arnell.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh