Sandro Muhlach, naglakas-loob na ikwento ang umano'y naranasang pang-aabuso
- Nagsalita si Sandro Muhlach sa Senate Committee on Public Information and Mass Media tungkol sa seksuwal na pang-aabuso na naranasan niya noong Hulyo 21, 2024
- Ayon kay Muhlach, napakahirap para sa kanya na tanggapin ang pang-aabusong ginawa sa kanya ng dalawang suspended GMA-7 independent contractors
- Inamin niyang natagalan siya bago magsumbong dahil sa takot na maapektuhan ang kanyang career sa GMA
- Nanawagan siya na magkaroon ng mas malawak na batas para sa proteksyon ng lahat ng biktima ng pang-aabuso kagaya niya
PAY ATTENTION: stay informed and follow us on Google News!
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si Sandro Muhlach tungkol sa kanyang naranasang seksuwal na pang-aabuso sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ngayong Lunes, Agosto 19, 2024. Ayon kay Muhlach, napakahirap para sa kanya na tanggapin ang karumal-dumal na ginawa sa kanya nina Jojo Nones at Richard "Dode" Cruz, mga suspended independent contractors ng GMA-7, sa isang hotel noong Hulyo 21, 2024.
Sa nasabing pagdinig, pinangunahan nina Senator Robin Padilla at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagtatanong kay Muhlach. Bagama’t naging maingat sa kanyang mga sagot, inamin ni Muhlach na natagalan bago siya nagdesisyon na magsumbong at mag-report ng insidente. "Napakahirap po tanggapin na binaboy ka. Hinarass ka, lahat po ng bagay na yon, para ka pong inaapak-apakan. So, parang nakakababa ho," ani Muhlach habang ipinaliwanag ang hirap na kanyang dinanas bago niya nagawang maghayag ng saloobin sa kanyang pamilya at sa mga otoridad.
Dagdag pa ni Muhlach, isa sa mga naging pangunahing dahilan ng kanyang pag-aalinlangan na magsalita ay ang takot na makaapekto ito sa kanyang career sa GMA. "Actually, ayoko po talaga kumalat ito kasi natatakot po ako na maapektuhan yung career ko sa GMA," aniya. Ipinaliwanag din niya na lubos niyang pinahahalagahan ang kanyang pangalan at reputasyon, kaya’t inabot siya ng sampung araw bago tuluyang magdesisyon na isiwalat ang nangyari.
Kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Czarina Quintanilla-Raz, idinetalye ni Muhlach ang patuloy na epekto ng pang-aabusong naranasan niya. Sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya ganap na nakakapag-adjust, at araw-araw niyang nararamdaman ang anxiety at takot. Inamin din niya na kahit pilit niyang ipinapakita sa kanyang pamilya na siya ay okay, sa totoo’y hindi pa rin siya lubos na nakakabangon mula sa masamang karanasang ito.
PAY ATTENTION: Click "See First" under the "Following" tab to see KAMI news on your News Feed
Sa kanyang pahayag, hiniling ni Muhlach na mas palawakin pa ang mga batas na may kaugnayan sa pang-aabusong kagaya sa naranasan niya upang mas maprotektahan ang mga biktima, anuman ang kanilang kasarian. "Bilang isang biktima, nais ko po ibahagi yung pinapaniwalaan ko na puwedeng ma-consider po," wika niya. Naniniwala si Muhlach na mahalagang maging gender-neutral ang mga batas na may kinalaman dito, dahil hindi umano pumipili ng kasarian ang ganitong uri ng krimen.
Sa huli, inamin ni Muhlach na mahirap at nakakahiya ang kanyang pinagdaanan, ngunit naninindigan siyang kailangan niyang magsalita upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari sa iba.
Matatandaang tatlong hotel ang nagsumite ng mga kopya ng CCTV sa NBI kaugnay ng kaso ni Sandro Muhlach. Ang mga footage ay mula sa mga hotel na pinuntahan ni Muhlach bago at pagkatapos ng umano'y pangmomolestya.
Kinuwestiyon naman ni Senator Jinggoy Estrada kung paano nalaman ni Ogie Diaz ang insidente. Sinabi ni Estrada na unang lumabas ang impormasyon sa publiko bago pa ito nalaman ng pamilya.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh