Nag-iisang anak na naging tagalinis ng bote sa halagang 2 piso, nakapagtapos at 'cumlaude' pa!

Nag-iisang anak na naging tagalinis ng bote sa halagang 2 piso, nakapagtapos at 'cumlaude' pa!

- Tunay na kahanga-hanga ang pinagdaanan ni Francis Tirso Sinaban na nagbahagi ng kanyang karanasan sa KAMI

- Sinakripisyo niya ang pag-aaral para alagaan ang amang nagkasakit at dumanas ng iba't ibang trabaho para lamang maigapang ang pag-aaral

- Naging full scholar si Francis at ngayon nakapagtapos na siya ng pag-aaral at 'cumlaude' pa siya

PAY ATTENTION: Click "See First" under the "Following" tab to see KAMI news on your News Feed!

Di matatawaran ang tunay na paggalang at pag-aaruga na ginawa ni Francis Tirso Sinaban para sa kanyang mga magulang.

Kahanga-hanga ang mga sakripisyo na kanyang pinagdaanan para lamang maalagaan ang kanyang ama na na-stroke.

Nalaman ng KAMI na nag-iisang anak pala si Francis kaya naman siya na lamang ang aasahan ng kanyang mga magulang.

Kinailangang huminto pansamantala ni Francis sa pag-aaral upang matutukan ang ama na wala nang ibang mag-aaruga habang ang ina naman niya ay naghahanapbuhay din.

Sa kasamaang palad, namatay din ang kanyang ama dahilan para igapang naman niya ang pagbabalik niya sa pag-aaral.

Di ito naging madali para ay Francis sapagkat salat din naman sila sa pera. Iba't ibang trabaho ang pinasok niya gaya ng paglilinis manlang ng bote sa junk shop, maglabada, mag-igib ng tubig para sa iba at mamasukan sa bakery. Lahat nang ito, nagawa niya sa murang edad.

Aminado si Francis na hirap na hirap siya sa lahat ng kinakaya niya sa buhay ngunit kailanman di niya ito sinukuan.

Narito ang buong kwento ni Francis Tirso Sinaban na tiyak na kapupulutan natin ng aral.

HUMINTO ❌

NAGPATULOY ⏳

NAKA-GRADUATE

It's not too late for me to win this race.

“Oo tama ang unang kataga na nabasa ninyo, huminto ako ng ilang taon sa pag-aaral hindi dahil sa bulakbol ako o di kaya’y nawalan na ako ng ganang mag aral.

Huminto ako ng pag-aaral dahil na-stroke si Tatay. Yung taong nagsisilbing haligi ng tahanan ay unti-unting nanghihina, kamuntik pa ako di maka graduate ng elementary kung tutuusin. January noon ng mastroke si Tatay, Grade 6 na ako at March ay magtatapos na ako sa elementarya, pero mula ng mastroke si Tatay ng January ay hindi na ako nakapasok sa school hanggang March. Dalawang buwan na hindi pumasok, andyan na ang puro palakol na sa aking marka, paano ako makakapasok walang mag-aasikaso sa akin noon dahil bata pa ako, nag-iisang anak.

Mabuti nalang at napakiusapan namin at naintindihan naman ng aking guro ang sitwasyon namin kung kaya’t pinagbigyan at nag special exam at maka attend sa graduation. Pagkatapos lumabas ni Tatay sa hospital ay dinala kami sa Pangasinan upang doon ipagamot sana si Tatay, pero naubos na lahat at wala na kaming magawa. Anim na buwan ang tiniis namin ni Mama dahil wala naman trabaho si Mama sa lugar na yun at umaasa na lamang kami sa ibibigay ng ibang kamag anak namin kaya gusto nalang naming umuwi dito agad sa Isabela, mahirap ang makibahay, may kanya kanya din naman buhay ang ilan sa mga kapatid ni Tatay kung kaya umuwe nalang kami dito, pero hindi ganun kadali ang lahat.”

“Lahat na ata ng hirap naranasan ko na sa maagang edad mula noong na-stroke si Tatay. Namasukan ako sa isang bagsakan ng bote galing junkshop, tagahugas ng bote. Isang case 24 bottles to be exact sa halagang dalawang piso. Oo tama, dalawang piso, kapalit ng mga bubog na sumusugat sa aking mga kamay at binti sa tuwing nagtatama ang mga bote na basag na aking nililinisan. Pagkatapos ng anim na buwan naka pag-ipon, napilitan nalang kami tumakas umuwi dito sa amin, hindi ko naman sinasabi na masama ang aming kamag-anak bagkus nakakahiya naman gumalaw at parati nalang iaasa sa kanila ang lahat ng pagkain kapag ginutom ang sikmura.

Pagbalik dito sa amin napilitan na akong huminto sa pag-aaral. Oo libre ang highschool pero hindi naman lahat ng gagamitin ay libre kung kaya’t sa maagang edad huminto ako at ako ang taga alaga at bantay kay Tatay sa tuwing aalis si Mama para maghanap buhay para sa amin.”

“Gusto kong makatulong kay mama, kung kaya’t naghanap ako ng trabaho na makakaya ko. Naranasan ko ding mamasukan sa isang bakery shop, makilabada sa kapit-bahay tuwing sabado at linggo mahirap paniwalaan pero ako mismo sa sarili ko kinaya ko o di kaya ay taga igib para lamang may pera kami at pandagdag sa gastusin.

Sa una mahirap dahil dapat sa mga ganitong taon ay nag-aaral ako at naghahanda para sa aking pangarap, pero ayos lang alam kong lahat ng mga nangyayari ay may rason at lahat ng pagsubok ay may katapusan.

Ang hirap ng kalagayan na ganito, nakikita mong sabay nahihirapan ang magulang mo, nakaratay ang aking ama at nagbabanat ng buto sa mga gawaing panglalaki ang aking Ina, mahirap ng mga panahon na iyon dahil wala ka pang magawa dahil bata ka pa. Dumating pa ang mga ibang pagsubok, sa tuwing may bagyo nakikisilong sa kapitbahay buhat buhat ang aking baldadong ama sa mura kong katawan, akala ko nga sa mga pelikula ko lang nakikita ang mga ganung eksena, pero ako mismo nakaranas ng mga ganito.”

“Lumipas ang ilang taon na sa bawat araw ganito at ganyan ang aming buhay, dumating sa araw na muling na-stroke si Tatay at doon tuluyan na siyang namaalam. Sa kabila ng lahat, maluwag na tinanggap ang pagkawala niya. Saktong magpapasukan ng mawala si Tatay, pilit akong kinukumbinsi ni Mama na mag-aral dahil ito lang ang tanging mayroon daw ako pagdating ng panahon. Sa una nahihiya ako dahil alam kong tatlo hanggang apat na taon ang magiging agwat ko sa aking mga kaklase, pero tama si mama kailangan ko mag aral, kailangan ko magtapos para sa naudlot na pangarap.

Para sa ikalawang kataga, nagpatuloy ako sa aking pag-aaral ng highschool late na ako nakapag enroll at ang ilan sa abuloy na aming nalikom sa pagpanaw ni Tatay ang aking ginamit para sa aking pag-aaral. Sa simula mahirap, kailangan mo makibagay at mag-adjust hanggang sa dumating ako sa huling taon ng highschool. Magtatapos na ako, wala mang honor kahit papano ay Tatlong Excellence Leadership Award ang aking nakuha at Best in Filipino, nung una lihim ko pa nga itong sinabi kay mama kung kaya labis ang kanyang pag iyak habang naglalakad papunta sa stage, ang magulang naman kasi walang pinipili yan basta alam nilang sasabitan nila tayo ng medalya ay wala na itong kapalit na halaga.”

“Nagtapos na ako ng highschool, hindi ako kasigurado sa aking gusto kung makakaya ko pa ba mag aral ng kolehiyo, alam kong sobrang laki ng aming kakailanganin. Saktong Summer may dalawang buwan pa ako para makapag ipon ng aking pang tuition, namasukan ako bilang isang crew sa sikat na fastfood chain at sa tuwing day-off ko makikilabada para di sayang ang day-off. Oo mahirap, pero alam kong tumaya sakin ang Mama ko, alam kong may pangarap din siya para sa akin. Isang malaking pangarap para sa nag-iisa nyang anak. Dumating ang araw ng enrollment, pero kailangan ko mag resign sa aking trabaho dahil hindi fit ang schedule, masyado na din bugbog ang katawan ko lalo na sa mga oras na graveyard shift ako at diretso sa umaga ulit. Nag-apply bilang S.A (Student Aide) para makabawas sa tuition fee nakuha naman ako at nag train bago ang pasukan, swerte nalang at may nag-offer sakin ng scholarship. Kung kaya huminto ako bilang S.A at mas ninais na maging Full Time student.

Alam kong hindi pa huli ang lahat, nagsisimula pa lamang ako. Nagsisimula pa lamang buuin ang naudlot na pangarap. Tila naging pabor sa akin ang langit ng mga panahon na iyon at may isa pang scholarship ang dumapo sa akin, ang saya dahil alam kong hindi ko na poproblemahin ang aking mga gagastusin. May mga panahon na talagang na dedelay ang pagdating ng Educational assistance ko, yung mga araw na walang wala na talaga at kinabukasan ay kailangan ng ipass ang mga ito, buti na lamang at may mga nalalapitan ako sa mga oras ng kagipitan. Oo, dalawa ang scholarship ko pero hindi naman naging madali ang lahat, kailangan mo magsunog ng kilay para hindi maglaho ang mga ito, dagdag na lamang ang isa pang scholarship sa school sa tuwing end ng semester kung papalarin na makasama sa Academic Scholars (Dean’s List). Hindi ako ganun katalino kung kaya’t sinasamahan ko ng diskarte at sipag dahil alam kong isang maling galaw lang maaring maglaho lahat ng aking pangarap. Dumating sa mga panahon na sobrang grade conscious ko, yung tipong magkaroon ng 85 ay pwede ko ng iyakan, para sa iba OA pero hindi eh, hindi nila kasi alam yung hinahabol ko.

Nais kong maging FULL ACADEMIC SCHOLAR every end of the Semester kung maari hanggat kaya ko, oo sabihin na natin na tatlo ang scholarship ko pero yung mga requirements, projects at baon ko sa araw araw dito na din nanggagaling. Nandyan na kapag full acad ako ay sobrang laki ng aking natitipid, uuwi na may dalang bigas o di kaya ay groceries. Sa buhay kailangan mo makibagay, dumiskarte sa tamang paraan, ibibigay naman yun kung para sayo talaga.

Dumating din sa mga oras na laman ako ng pila para sa “”Promissory note”” dahil walang wala talaga at madalas end din ng semester dumating ang scholarship. Ilang semester din akong laman nito, minsan pa nga napagkakamalan na kinupit ko ang pang tuition, siguro dahil di naman ako mukang mahirap o walang pambayad. Dumating din sa mga oras na imbis ibili namin ng bigas ay ibibili ko nalang ng para sa projects para lang di bumaba ang grades ko. May mga pagkakataon din na pumapasok akong walang laman ang sikmura, bastat may laman ang aking utak. Ilang taong pagtitiis para sa inaasam na pagtatapos.

Hindi pala ganun kadali ang maging isang Dean’s lister para sa iyong pangarap. Naranasan ko din ang ikumpara sa ibang studyante ng paulit-ulit. Pero lahat ng iyon kinimkim ko nalang at isinantabi para kay Mama.

Sobrang salamat dahil hindi kami pinabayaan ni Papa G. Anjan ang iba kong prof na nagsilbing instrumento at nasasabihan ko ng problema, maswerte ako kasi di sila nagdadalawang isip na tulungan ako at pahiramin kapag nagigipit. Ang mga kaibigan na takbuhan para hiraman, halos mabaon nako sa utang pero patuloy na umiinitindi kung sakaling dipa agad agad nakakabayad, dumating din sa mga panahon na pati bigas na isasaing ay itutulong na din nila, mga ibang tao na nakikilala ko sa Facebook. Mga taong naniniwala sa kakayahan ko at hindi nag dalawang isip na tumulong sa aking pag-aaral. Mahirap, nakakasulasok sa sobrang dami ng pagsubok na dinaanan ko ganito pala katatag at katapang ang isang tulad ko.

Pero masaya sa pakiramdam na ang laking bagay ang naitulong ng mga scholarship na ito. Last December naregaluhan ko pa si Mama ng washing machine, ganun pala ang pakiramdam na sobrang galak at namumutawing ngiti ang nakikita ko kay Mama. P.S itong braces, bes hulugan lang yan pwede ko naman siguro regaluhan ang sarili ko sa kabila ng lahat. Real world na kaya gusto ko maayos din ang hindi dapat para sa future din naman.”

“Araw na ng pagtatapos. Ngayon ay ga-graduate na ang taong minaliit noon ng iba. Ngayon ay ga-graduate na ang taong may malaking pangarap para kanyang Ina. Ma, para sayo lahat ng ito. Wala man si Tatay na kasama mong maghahatid sakin sa stage alam kong nanjan lang sya, mahal na mahal ko kayo. Ngayon eto na magtatapos na sa kolehiyo Ma, ang nag iisa mong anak na tinawatanan lang nila noon, pero ni minsan hindi mo ipinaramdam sakin ang ginawa nila dahil alam kong naniniwala ka sakin sa kakayahan ko.

Para sa huling kataga, ito na Bes, ga-graduate na ako.

Ma, ikaw yung nagsilbing inspirasyon ko sa lahat, sa tuwing tila bumibitaw na sa akin ang pangarap ko, dito ko mas lalo hinihigpitan ang kapit. Sa ngayon alam kong Nagtagumpay ako sa kabila ng lahat ng naranasan ko sa murang edad hanggang sa magkaisip. Siguro ang iba hindi agad naniniwala kapag nagkukwento ako pero ito ang totoo. Ito yung mga pinagdaanan ng FRANCIS na kilala ninyo.

Sobrang nagpapasalamat ako kasi nanjan ka lagi Ma, para sumuporta sa lahat ng naisin ko sa buhay lahat ng pangarap ko para sa ating dalawa. Simula na ng mas mahigpit na laban ng totoong buhay, simula na ng hampas muli ng pasubok pero hindi tayo susuko, Ma. Ngayon pa ba? Kaya natin to. Magsisimula ang bagong kabanata ng pangarap ko para sa ating dalawa, Ma.

Sa wakas ito na talaga, yung pinaghirapan ko at pinagpuyatan ng ilang taon. Sa mga oras na ginagawa ko ng umaga ang gabi ang sarap sa pakiramdam na nandito na muli ako sa dulo para panibagong marathon ng aking buhay.”

“Para sa mga gaya kong studyante dyan, wag kang susuko dahil mas mahirap ang hindi makapagtapos at pagtawanan o maliitin sa mga bagay na hindi mo naman ginusto. Pero wag na wag ka magtatanim ng sama ng loob bagkus gawin natin silang tungtungan para maabot ang ating mga pangarap.

At sa mga taong walang ginawa kundi punain ang kapintasan ng iba, mag aral nalang tayong Mabuti para sa sarili at ng hindi tayo maging palaasa sa iba. Hindi pa huli ang lahat para ipanalo ang naudlot na karera sa buhay.

Lord maraming salamat dahil pinanday mo ako ng ganito katatag sa kabila ng lahat, siguro kung di dahil sayo at sa mga taong naniniwala sa akin hindi ako ganito katapang sa ngayon. Ganito pala ang isang Francis na binigyan mo ng pagmamahal at lakas na suungin ang mga hagupit ng buhay.”

"Mapag-Mahal na Anak"

SINABAN, FRANCIS TIRSO

Bachelor of Science in Psychology

Consistent Academic Scholar

CumLaude

University of La Salette, Inc.

Batch 2017

Be amazed on how this slow learner turned into a winner! Success always starts with failure on KAMI YouTube channel.

Source: KAMI.com.gh

Authors:
Marisse Gulferica avatar

Marisse Gulferica