Ama, labis nabigla nang mapagtantong anak niya ang sangkot sa nadaanang aksidente
- Pumanaw ang 22-taong-gulang na Army reservist na si John Marc Lomboy matapos bumangga ang kanyang motorsiklo sa konkretong harang sa Macapagal Bridge sa Marikina City
- Natagpuan ng kanyang ama, si Mario Lomboy, ang katawan ng kanyang anak matapos mapansin ang isang aksidente sa lugar
- Hindi agad nadala sa ospital si John Marc dahil umano sa kakulangan ng kagamitan ng mga rumespondeng ambulansya
- Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang hinihintay ang paggaling ng babaeng kasama ng biktima
PAY ATTENTION: stay informed and follow us on Google News!
Isang pamilya ang nagdadalamhati matapos pumanaw ang 22-taong-gulang na si John Marc Lomboy, isang Army reservist, nang bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo sa isang konkretong harang sa Macapagal Bridge, Marikina City noong Setyembre 11. Natagpuan ng kanyang ama, si Mario Lomboy, ang katawan ng kanyang anak sa lugar ng aksidente noong araw na iyon.
Ayon kay Mario, umalis siya ng kanilang tahanan sa Antipolo City kasama ang isa pang anak, patungo sa Quezon City. Habang bumabaybay sila sa Marikina, napansin niya ang biglaang pagbibigat ng trapiko, dahilan upang magsuspetsa siyang may aksidente. Nang makalapit sa lugar, nakilala niya ang motorsiklong sangkot sa insidente at natanto na ang sakay nito ay ang kanyang bunsong anak na si John Marc.
"Nung malapit na kami sa motor nakita ko 'yung sticker, dun ko na nakilala 'yung anak ko ang nadisgrasya," ani ni Mario. Pagdating sa eksena, nakita niya ang nakahandusay na anak pati na rin ang babaeng kasama nito sa aksidente.
PAY ATTENTION: Click "See First" under the "Following" tab to see KAMI news on your News Feed
Lalo pang nadagdagan ang galit ni Mario nang malaman na hindi pa nadadala ang kanyang anak sa ospital ng mga rumespondeng ambulansya. Ayon sa kanya, wala umanong stretcher ang mga nagrescue kaya’t naghihintay pa sila bago magawa ang pag-transport. "Hinawakan ko agad ang dibdib ng anak ko, tumitibok pa. Bakit 'di pa nila dinadala sa ospital? Patay na raw, sabi sa’kin ng ambulance," dagdag ni Mario.
Ang masakit pa para sa ama ay may nakaantabay nang sasakyan ng punerarya sa lugar kahit na wala pang doktor na opisyal na nagdeklara ng pagkamatay ni John Marc. "Gusto kong mabuhay 'yung anak ko, bakit 'di nila itinakbo agad sa ospital?" tanong pa niya.
Sa kabila ng kanyang pagtutol, idineklarang dead on arrival si John Marc nang dumating sila sa ospital. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ng Marikina ang insidente habang hinihintay ang paggaling ng babaeng kasama ng biktima upang alamin kung may ibang salik na nagdulot ng aksidente.
Ayon kay Mario, isang retiradong opisyal ng militar, umaasa siyang susundan ni John Marc ang kanyang mga yapak bilang sundalo. "Ito sana 'yung pag-asa ko na susunod sa yapak ko. Maagang kinuha ni Lord, hindi ko pa matanggap," aniya.
Kamakailan, dalawang babaeng nakasakay sa motorsiklo ang naaksidente, umano'y dahil sa malakas na ulan. Ang dalawang babae, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA Integrated News, ay nasawi. Sa mga larawan na ibinahagi, makikita ang mga katawan ng dalawang babae at kapansin-pansin na pareho silang nakasuot ng helmet.
Samantala, isang buong pamilya ang nasawi matapos ang isang trahedya sa Sariaya, Quezon Province, noong Agosto 18, 2024. Ang van na may sakay na 14 na pasahero ay bumangga sa isang truck na papasalubong, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng 8 sa mga pasahero, kabilang ang isang pamilya na binubuo ng lima. Ayon sa isang kamag-anak, ang mga pasahero at ang driver ng sasakyan, na lahat ay magkakamag-anak, ay galing sa unang anibersaryo ng kamatayan ng isa pang kaanak.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh