Bagong silang na sanggol, natagpuan na nakasilid sa isang ecobag
- Isang bagong silang na sanggol na lalaki ang natagpuang iniwan sa bubungan ng isang bahay sa Cagayan de Oro City
- Nadiskubre ang sanggol matapos marinig ang kaniyang iyak bandang hatinggabi sa Barangay Canitoan
- Dinala agad sa ospital ang sanggol at sinabing nasa maayos na kondisyon na siya
- Sinimulan na ng barangay council ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nag-iwan sa sanggol
Narito na ang paghahanap sa KAMI! Basahin ang mga balita tungkol sa iyong paboritong mga bituin sa pamamagitan lamang ng pag-type ng kanilang pangalan sa search bar!

Source: Youtube
Isang bagong silang na sanggol na lalaki ang natagpuang iniwan sa bubungan ng isang bahay sa Cagayan de Oro City. Nangyari ang insidente sa Barangay Canitoan bandang hatinggabi ng Huwebes.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, napansin ng mga residente ang sanggol matapos marinig ang iyak nito mula sa bubungan ng bahay. Agad nilang ipinagbigay-alam ang pangyayari sa mga opisyal ng barangay.
Sinabi ni Barangay Councilman Roel Taboclaon, na siya ring tagapangulo ng Barangay Peace and Order Committee, na ang sanggol ay nakalagay sa isang ecobag. Ayon sa kaniya, nakakabit pa ang pusod ng bata nang matagpuan ito.
Kinailangan pang umakyat ng barangay police sa gilid ng bahay upang ligtas na makuha ang sanggol.
Like and share our Facebook posts to support the KAMI team! Share your thoughts in the comments. We love reading them!
Matapos makuha, dinala agad ang sanggol sa ospital upang masuri ang kaniyang kalusugan. Ayon sa health center, nabigyan na ng tamang pag-aalaga at mga pangunahing pangangailangan ang sanggol. Sinabi rin ng doktor na stable na ang kondisyon ng bata.
Patuloy namang iniimbestigahan ng barangay council ang insidente upang malaman kung sino ang ina ng sanggol o ang taong nag-iwan sa kaniya sa bubungan. Nag-deploy na rin ng mga barangay health worker upang suriin ang listahan ng mga buntis sa lugar na inaasahang manganganak ngayong buwan.
Ibinahagi rin ng barangay captain na ikatlong beses na itong may iniwang bagong silang na sanggol sa kanilang komunidad. Nangako ang mga opisyal ng barangay na aalagaan ang sanggol habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Panuorin ang ulat ng GMA Regional TV sa 'One Mindanao':
Sa naunang lokal na ulat ng KAMI, isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro ang walang awang binaril at pinatay sa loob ng kanilang tindahan sa Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija. Nakuhanan ng CCTV ang tatlong lalaki na pumasok sa tindahan, isinara ang roll-up door, at pagkatapos ay binaril hanggang mamatay ang buong pamilya. Bago tumakas, kinuha pa ng isa sa mga suspek ang isang bag at cellphone ng mga biktima. Ayon sa ulat ni Gary De Leon ng TV5 Frontline Pilipinas, nagsimulang makatanggap ng banta ang pamilya matapos silang magpahiram ng P1-M sa isang residente sa kanilang barangay, na umano’y ginamit ang pera para sa negosyo.
Sa isa pang viral na lokal na ulat, isang 51-anyos na public school teacher sa Las Piñas City ang pinagsasaksak nang maraming beses ng sariling asawa. Base sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita, nagawa ng 38-anyos na suspek ang krimen sa loob mismo ng faculty room ng paaralan. Sinabi ng pulisya na may security guard ang eskwelahan, pero dahil pamilyar na mukha ang suspek, madali siyang nakapasok at nakalabas. Sabi ng suspek, pumunta siya roon para kausapin ang kanyang asawa at ayusin ang kanilang alitan, pero nauwi ito sa matinding pagtatalo.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh

