LTO, sinuspinde ang lisensya ng driver na pinayagang magmaneho ang anak
- Isang driver ang sinuspinde ng 90 araw matapos payagang umupo at magmaneho ang kanyang anak sa viral video
- Ayon sa LTO, ang naturang insidente ay paglabag sa mga batas trapiko kabilang ang reckless driving at hindi paggamit ng seatbelt
- Inutusan ng ahensya ang driver at may-ari ng sasakyan na humarap sa kanilang tanggapan sa Oktubre 15 upang magpaliwanag
- Ang DOTr ay nanawagan sa publiko na pairalin ang disiplina at pananagutan sa kalsada para sa kaligtasan ng lahat
PAY ATTENTION: stay informed and follow us on Google News!
Tinanggalan pansamantala ng Land Transportation Office (LTO) ng lisensya ang isang driver matapos mag-viral ang video kung saan pinayagan niyang umupo ang kanyang anak sa kandungan at hawakan ang manibela habang umaandar ang sasakyan.

Source: Facebook
Ibinahagi ng Department of Transportation (DOTr) sa kanilang opisyal na Facebook page ang nasabing desisyon, kasunod ng direktiba ng pamahalaan na palakasin ang disiplina at pananagutan sa kalsada. Maraming netizens ang umalma sa naturang video dahil sa malinaw na panganib na dulot nito hindi lamang sa bata kundi sa ibang motorista.

Read also
Gov. Sol Aragones, dinipensahan ang desisyong no face-to-face classes sa probinsya ng Laguna
Sa viral clip, makikitang parehong walang suot na seatbelt ang mag-ama habang hinahayaang kontrolin ng bata ang manibela. Ayon sa LTO, malinaw itong paglabag sa mga batas trapiko kabilang ang reckless driving, failure to wear a seatbelt, at allowing a child to sit in the front seat.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Pinaalalahanan din ng LTO ang mga motorista na ang mga batas trapiko ay hindi basta alituntunin lamang kundi proteksyon sa buhay. “Children should never be allowed to sit in the front seat or handle the steering wheel, even for fun,” paalala ng ahensya.
Nakasaad din sa ulat na ipinag-utos ng LTO ang pagsumite ng paliwanag ng driver at ng rehistradong may-ari ng sasakyan sa Oktubre 15, 2025. Pagkatapos ng 90-araw na suspensyon, posibleng masampahan pa ng karagdagang kaso ang nasabing driver kung mapatunayang lumabag siya sa iba pang probisyon ng batas trapiko.
Ang DOTr ay muling nanawagan sa lahat ng motorista na maging halimbawa ng tamang asal sa daan, lalo na sa harap ng mga bata. “Drivers can help prevent accidents and make the roads safer for everyone by practicing discipline and responsibility,” dagdag ng pahayag ng ahensya.
Ayon sa mga eksperto, ang ganitong asal ay hindi lamang naglalagay sa panganib sa bata kundi nagtuturo rin ng maling gawi tungkol sa responsableng pagmamaneho.
Ang Land Transportation Office (LTO) ay ahensya ng pamahalaan na responsable sa pagpapatupad ng mga batas trapiko, pagpapalabas ng lisensya, at pangangasiwa sa kaligtasan sa mga lansangan. Sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr), layunin ng LTO na panatilihing ligtas ang publiko sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga regulasyon at pananagutan ng bawat motorista.
Sa mga nagdaang taon, naging aktibo ang LTO at DOTr sa pagtugon sa mga viral insidente ng paglabag sa batas trapiko, kabilang na ang mga kaso ng hit-and-run, reckless driving, at child endangerment sa kalsada.
Ayon sa naunang ulat, agad na kumilos ang DOTr matapos kumalat online ang video ng isang ama na hinayaang magmaneho ang kanyang anak. Sa pahayag ng ahensya, ipinahayag nila ang mahigpit na pagtutol sa ganitong uri ng iresponsableng pagmamaneho. Muling pinaalalahanan ng DOTr ang mga motorista na ang kaligtasan ng bata ay hindi dapat isinasakripisyo para lamang sa katuwaan.
Sa isang hiwalay na insidente, ipinag-utos ng DOTr ang permanenteng kanselasyon ng lisensya ng driver na sangkot sa viral hit-and-run incident sa Rizal. Ayon sa mga ulat, tumakas ang driver matapos mabangga ang isang pedestrian. Muling iginiit ng ahensya na walang puwang sa kalsada ang mga iresponsableng motorista at ipatutupad ang batas sa lahat ng pagkakataon.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh