Valdefuente Bridge sa Cabanatuan, nasira makalipas ang dalawang taon mula nang mabuksan
- Ang General Luna Bridge o mas kilala bilang Valdefuente Bridge sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ay nagkaroon ng malalaking butas sa flooring kahit dalawang taon pa lamang itong bukas sa mga motorista
- Nagsimula bilang maliliit na potholes noong Mayo 2025, mabilis itong lumaki dahil sa patuloy na pagdaan ng malalaking trak kaya’t pansamantalang nilagyan ng steel plates habang nagsimula ang pagkukumpuni nitong Setyembre 5
- Ayon sa contractor engineer na si Kenneth Alcantara, bahagi ito ng tatlong phase project na sinimulan pa noong 2018, habang ilang motorista naman ang nagreklamo sa trapikong dulot ng sira sa tulay
- Nangako ang DPWH at contractor na matatapos ang pagkukumpuni sa loob ng pitong araw at nanawagan sa LTO at HPG na higpitan ang pagpapatupad laban sa overloaded at oversized na mga trak na itinuturong dahilan ng pagkasira
PAY ATTENTION: stay informed and follow us on Google News!
Dalawang taon pa lang mula nang buksan sa publiko, nagkabutas na agad ang General Luna Bridge o Valdefuente Bridge sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Ang flooring ng tulay ay lumambot at nagkaroon ng malalaking butas, dahilan para magdulot ng abala sa mga motorista, lalo na tuwing rush hour.

Source: Original
Nakita raw noong Mayo 2025 ang mga maliliit na potholes, ngunit mabilis itong lumaki dahil sa walang tigil na pagdaan ng mabibigat na trak. Agad na naglagay ng steel plates ang DPWH para madaanan pa rin ng mga sasakyan, habang sinimulan ang pagkukumpuni noong Setyembre 5.
“Ang project po kasi na ’to ay tatlong phase. Hindi ko lang po mai-sure kung gaano kalaki ’yung amount per phase, pero dun po sa tatlong phase na ’yun nag-start ’yung una 2018 po,” pahayag ni Kenneth Alcantara, office engineer ng contractor.
Isa sa mga motorista, si Francklin Lacandoza, ay nagsabi ng kanyang karanasan: “Medyo abala din po ’yan minsan, kasi buhat po nung nasira po ’yung tulay, sarado din po ’to. Halos pagka po natapat ’yung malaking truck doon, iniiwasan nila, nagkakasalubong-salubong po diyan. Kaya minsan po nagta-traffic.”
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Para naman kay Arnold Mactal, hindi gaanong nakaapekto sa kanya: “Mainam na po at maayos at ng iwas trapiko. Hindi naman ho [abala] kasi ho maliit lang po sasakyan namin e.”
Ayon sa contractor, sisikapin nilang matapos sa loob ng pitong araw ang pagkukumpuni. “Tinitingnan po namin na maayos ito sa loob ng isang linggo dahil gaya nga po ng sabi ko, malaki ’yung implication nito sa mga motorista pati na rin po sa mga ahensya po ng gobyerno,” dagdag ni Alcantara.
Bukod dito, umapela rin ang DPWH at contractor sa Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) na higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa overloaded at oversized na mga trak. Anila, ito ang pangunahing dahilan ng mabilis na pagkasira ng mga tulay at kalsada sa bansa.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng problema sa mga malalaking proyekto ng DPWH. Nitong mga nakaraang buwan, mainit ang usapin sa flood control projects matapos pumutok ang alegasyon ng korapsyon at “ghost projects.” Lumabas sa imbestigasyon ng Senado na ilang proyekto na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso ay hindi natapos, substandard ang kalidad, o doble-doble ang budget.
Dahil dito, marami ang nanawagan ng masusing audit at posibleng pagbabawas ng pondo para sa flood control projects na madalas ay hindi nakikita ang aktuwal na benepisyo. Katulad ng kaso ng Valdefuente Bridge, mas lumalakas ang panawagan ng publiko para sa mas mataas na accountability at transparency sa mga proyektong pinopondohan ng buwis ng mamamayan.
Kamakailan, naging laman ng balita ang pahayag ni Maine Mendoza matapos mabanggit sa testimonya ng mag-asawang Discaya tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects. Sa kanyang inilabas na statement, sinabi ng aktres na “napaka-unfair” na nadawit ang kanyang pangalan sa isyung wala naman siyang kinalaman. Ang sitwasyon ay nagbigay diin kung gaano kalawak ang implikasyon ng kontrobersiyang bumabalot sa DPWH projects, na umaabot maging sa entertainment industry.
Samantala, nag-viral din kamakailan ang video ng dalawang estudyante sa Guihulngan, Negros Oriental na muntik nang matangay ng flash flood. Ang insidente ay nagbukas muli ng usapan sa mga hindi natatapos na spillway at flood control projects sa iba’t ibang probinsya, at kung paano nito inilalagay sa panganib ang buhay ng mga bata at ordinaryong mamamayan.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh