Titser, nasawi matapos saksakin umano ng asawa dahil sa pagtatalo ukol sa Facebook post
- Nasawi si Mary Ann Manzanillo, isang titser, matapos saksakin umano ng kanyang mister sa kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal
- Nag-ugat ang insidente sa isang mainit na pagtatalo dahil sa Facebook post habang nag-aalmusal ang mag-asawa
- Bago ang pananaksak, binuhusan muna ng suspek ng kape ang kanyang misis
- Sumuko rin kalaunan sa pulisya ang suspek na si alyas ‘Herson’ at nahaharap sa kasong parricide
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Isa na namang trahedya ang naiulat kaugnay ng tensyong nag-ugat sa social media. Binawian ng buhay ang isang 34-anyos na titser matapos umanong saksakin ng kanyang sariling mister sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo ukol sa isang Facebook post. Kinilala ang biktima na si Mary Ann Manzanillo, residente ng Proper 3, Brgy. Mascap, Rodriguez, Rizal.

Source: Original
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente nitong Miyerkoles habang magkasamang nag-aalmusal ang mag-asawa. Sa halip na maging payapang umaga, nauwi ito sa matinding pagtatalo matapos magbangayan ang dalawa ukol sa isang post sa social media. Sa kasagsagan ng pagtatalo, binuhusan umano ng kape ng mister ang kanyang misis bago kumuha ng kutsilyo at ilang ulit na inundayan ng saksak si Mary Ann.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek na si alyas ‘Herson’, 37-anyos, ngunit hindi nagtagal ay boluntaryo rin itong sumuko sa himpilan ng pulisya sa Rodriguez. Agad namang isinugod sa San Mateo Medical Center ang biktima ngunit hindi na rin ito naisalba at idineklarang patay habang ginagamot. Inihahanda na ngayon ang kasong parricide laban sa suspek.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Ang parricide ay isang uri ng krimen kung saan ang isang tao ay pumapatay sa isang malapit na kaanak, kadalasan ay asawa, anak, magulang, o kapatid. Sa ilalim ng Revised Penal Code ng Pilipinas, partikular sa Article 246, ang parricide ay isang mabigat na krimen na may katumbas na parusang reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakakulong.
Sa konteksto ng batas, ang parricide ay naiiba sa murder at h0micide dahil sa espesyal na relasyon ng biktima at ng suspek. Karaniwang mga insidente ng parricide sa bansa ay nauugat sa mga personal na alitan, matagal nang sama ng loob, matinding selos, domestic abuse, o mga isyu gaya ng infidelity at usaping pinansyal.
Sa mga kaso ng asawang pumapatay sa kaniyang asawa, gaya ng insidente kina Mary Ann Manzanillo at alyas ‘Herson’, madalas ito'y resulta ng lumalalang away sa loob ng tahanan. Kapag ang mga pagtatalo ay hindi naayos sa maayos na paraan, at idinadaan sa karahasan, maaari itong humantong sa ganitong trahedya.
Base sa mga pag-aaral ng mga organisasyon tulad ng Philippine Commission on Women (PCW) at Gabriela, tumataas ang mga kaso ng domestic violence sa bansa, lalo na sa mga lugar kung saan mahirap ang access sa counseling o social support. Ang parricide ay madalas na huling yugto ng matagal nang pang-aabuso na hindi natutugunan o nabibigyan ng pansin.
Ang nangyaring insidente ay isang dagdag na pangyayari sa mga kaso ng karahasan laban sa mga teachers sa bansa. Kamakailan lang, isang titser sa Ilocos Norte ang inatake ng dalawang estudyante habang nasa loob ng paaralan. Ayon sa ulat ng Kami.com.ph, pinagtulungan umano ng dalawang magkapatid na estudyante ang kanilang teacher matapos mapagalitan sa klase. Sa kabutihang palad, agad naagapan ang insidente at ginagamot na ang teacher.
Isa pang nakalulungkot na balita ay ang pagpanaw ng isang teacher sa Davao de Oro na pinaniniwalaang dulot ng matinding stress sa trabaho. Ayon sa ulats sa Kami.com.ph, iniimbestigahan na ng DepEd ang posibleng kapabayaan at pressure mula sa mismong principal ng paaralan. Pinaniniwalaan ng pamilya ng yumaong teacher na may kinalaman sa matinding tensyon sa paaralan ang kanyang pagpanaw.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh