15 pulis na dawit sa kaso ng nawawalang sabungero, ‘under restricted duty’ na
- DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla kinumpirmang “restricted duty” na ang 15 pulis na sinasabing sangkot sa pagkawala ng mga sabungero
- Ang hakbang ay para maiwasang makapanakit pa umano ang mga pulis habang iniimbestigahan
- Hindi na sila maaaring isama sa anumang field operations at mananatili lamang sa opisina
- Si Julie Dondon Patidongan o “Totoy” ang nagbunyag ng umano’y pagkakasangkot ng ilang PNP personnel sa insidente
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Kumilos na ang Department of Justice (DOJ) sa isyu ng mga nawawalang sabungero matapos ipag-utos ni Secretary Jesus Crispin Remulla na ilagay sa “restricted duty” ang tinatayang 15 pulis na sangkot umano sa kontrobersyal na kaso. Sa harap ng media nitong Biyernes, Hulyo 4, 2025, inilahad ni Remulla na inilipat na sa office-based assignments ang mga pulis upang hindi na umano sila makapanakit.

Source: Facebook
“Restricted duty na sila. They have to report already to offices para doon na sila. Para hindi na sila makasakit,” diretsahang pahayag ng kalihim.
Ayon sa DOJ, ang hakbang na ito ay preventive measure habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sinasabing pagpatay sa mga sabungerong sangkot umano sa pandaraya sa e-sabong. Si Julie Dondon Patidongan, o mas kilala bilang alyas “Totoy,” ang patuloy na nagbibigay ng mga impormasyon sa kaso. Ayon sa kanyang salaysay, ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot sa sinasabing pagdukot at pagpatay.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Noong Hulyo 2, 2025, sa panayam ng GMA News, tinukoy ni Patidongan ang isang negosyanteng si Ang at tatlo pang indibidwal bilang mga umano’y utak ng pagkawala ng mga sabungero. Isinangkot din niya si Barretto sa usapin, na madalas daw makitang kasama si Ang.
Matatandaang itinanggi ni Ang ang lahat ng paratang at sinabing ang isyu ay nauuwi lang sa pera. Sa press conference noong Hulyo 3, sinabi niyang tinangka umanong kikilan siya nina Patidongan at ng dating empleyado nitong si Alan Batiles ng halagang P300 milyon. “Ang puno’t dulo nito, pera. Lahat ng grupo namin tinatawagan nila, eh,” ani Ang.
Sa ngayon, nagsampa na si Ang ng mga reklamo laban kina Patidongan at Batiles sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office sa ilalim ng Revised Penal Code.
Habang mainit ang usapin, nakaabang ang publiko sa mga susunod na hakbang ng DOJ. Sa ilalim ng “restricted duty,” ang mga pulis ay hindi maaaring tumanggap ng kahit anong field assignments at itatalaga lamang sa opisina habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang kaso ng mga nawawalang sabungero ay isa sa mga kontrobersyang muling bumulaga sa publiko matapos ang serye ng mga testimonya na nag-ugnay sa ilang pulis at kilalang personalidad sa insidente. Si Sec. Jesus Crispin Remulla, kasalukuyang kalihim ng DOJ, ay nangunguna sa imbestigasyon at determinadong linisin ang hanay ng kapulisan kung mapatunayang may pananagutan. Si Remulla ay kilala sa kanyang matapang na paninindigan sa mga isyu ng hustisya at madalas na nasa sentro ng mga sensitibong imbestigasyon sa bansa.
Sa isang panayam, binanggit ni DOJ Secretary Remulla na posibleng kasuhan sina Barretto at Ang depende sa resulta ng imbestigasyon. Inihayag ito matapos banggitin ang kanilang mga pangalan sa testimonya ni alias “Totoy” kaugnay ng mga nawawalang sabungero. Ayon kay Remulla, walang sinuman ang exempted kung may ebidensya ng pananagutan.
Sa isang panibagong pahayag, ibinunyag ni Patidongan na may halagang P50 milyon na umano’y patong sa kanyang ulo kasunod ng mga rebelasyong inilabas niya. Aniya, hindi na siya ligtas at patuloy siyang nagtatago dahil sa banta sa kanyang buhay. Dagdag pa niya, hindi na raw siya makatiyak kung sino ang kakampi at sino ang kaaway sa kasong ito.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh