Dalagang 18 anyos, patay nang matagpuan sa Albay; boyfriend umamin sa krimen
- Isang 18-anyos na dalaga ang natagpuang wala nang buhay sa Pawa, Tabaco City, Albay matapos iulat na nawawala ng kanyang pamilya noong Hunyo 21
- Kinabukasan ay sumuko sa pulisya ang nobyo ng biktima at inamin na sinakal niya ito hanggang sa mamatay matapos umano silang magkaroon ng matinding pagtatalo
- Mismong suspek ang nagturo sa mga awtoridad kung saan niya inilibing ang bangkay ng kasintahan sa likod ng bahay ng kanyang tiyuhin, na ngayon ay iniimbestigahan rin ng pulisya kung may kinalaman sa krimen
- Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso at kasalukuyang nasa kustodiya na ang suspek habang inaantabayanan ang resulta ng forensic examination at legal proceedings ng kaso
Narito na ang paghahanap sa KAMI! Basahin ang mga balita tungkol sa iyong paboritong mga bituin sa pamamagitan lamang ng pag-type ng kanilang pangalan sa search bar!
Isang trahedya ang bumalot sa bayan ng Pawa, Tabaco City, Albay matapos matagpuan ang bangkay ng isang 18-anyos na dalaga na napaulat na nawawala.

Source: Facebook
Ayon sa pulisya, Hunyo 21, 2025, nang ipagbigay-alam ng pamilya ng biktima ang pagkawala nito. Kasabay nito, ang kasintahan rin ng dalaga ay iniulat na umalis sa kanilang bahay, bitbit ang dahilan na pupunta siya sa bahay ng kaniyang tiyuhin.
Matapos ang 24 oras ng kawalan ng impormasyon, humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa Tabaco City Police upang alamin ang kinaroroonan ng dalaga. Kasama ng mga awtoridad, nagtungo ang pamilya sa bahay ng tiyuhin ng nobyo ng biktima—isang lugar na nagbunyag ng masaklap na katotohanan.
Sa gitna ng pag-iimbestiga, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na kusa nang sumuko ang kasintahan ng dalaga. Sa kaniyang pag-amin, sinabi ng suspek na nagkaroon sila ng matinding pagtatalo ng biktima. Sa gitna ng galit, sinakal umano niya ang dalaga hanggang sa ito ay mawalan ng buhay. Dagdag pa niya, inilibing niya ang katawan ng nobya sa mismong compound ng bahay ng kanyang tiyuhin.
Like and share our Facebook posts to support the KAMI team! Share your thoughts in the comments. We love reading them!
Agad rumesponde ang mga awtoridad at narekober ang bangkay ng dalaga sa tinurong lugar. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon. Isa sa tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ay kung may kinalaman o naging kasabwat ang tiyuhin ng suspek sa krimen.
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga krimen sa bansa kung saan mga kabataan at miyembro ng pamilya ang sangkot. Sa mga kasong ito, madalas na nauwi sa trahedya ang hindi pagkakaunawaan, galit, o panibugho. Ang kasong ito ay isa na namang paalala ng kahalagahan ng maayos na komunikasyon, tamang pag-kontrol sa emosyon, at higit sa lahat, ang pagbabantay ng mga magulang sa kanilang anak—lalo na sa panahong sila ay nasa sensitibong yugto ng buhay.
Samantala, isang service crew sa Caloocan ang natagpuang wala nang buhay, putol-putol ang katawan, at naaagnas na nang madiskubre ito sa isang abandonadong lugar. Nawawala ang lalaki sa loob ng tatlong araw bago ito nadiskubre ng mga residente. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo at kung sino ang responsable sa karumal-dumal na krimen.
Sa ibang ulat, isang masaklap na insidente ang naganap sa Cavite kung saan isang 4 na taong gulang na bata ang nasawi matapos umano bugbugin at pagsasaksakin ng nobya ng kaniyang ina. Ayon sa pulisya, may motibong personal at selos ang pinaghihinalaang suspek. Nakakulong na ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh