15-anyos na estudyante, nasawi matapos ang pagtatalo dahil sa umano'y asaran

15-anyos na estudyante, nasawi matapos ang pagtatalo dahil sa umano'y asaran

  • Binawian ng buhay ang isang 15-anyos na Grade 10 student na kinilalang si John Paul Morada matapos ang isang mainitang pagtatalo na nag-ugat umano sa asaran sa harap ng isang tindahan sa Barangay 2, Calamba City, Laguna noong gabi ng Nobyembre 18, 2026
  • Ayon sa imbestigasyon ng Calamba City Police, napikon umano ang kapwa 15-anyos na suspek nang biruin siya ng biktima na isa na siyang city boy at hindi na probinsyano matapos nitong magsimba sa Maynila
  • Naawat na umano sa simula ang dalawang kabataan ngunit muling sumiklab ang gulo nang magsalita umano ang ama ng suspek na nagbigay ng lakas ng loob sa binatilyo upang ituloy ang pananakit sa biktima bago sila tumakas
  • Isinuko naman ng kanyang sariling ina ang menor de edad na suspek sa mga awtoridad kinabukasan upang mabigyan ng hustisya ang nangyari habang patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang ama nito na kinasuhan din ng h0micide

Read also

Love Radio, nagpaalam sa beteranong DJ na si Diego Bandido

Nasawi ang isang 15-anyos na Grade 10 student matapos ang isang mainitang pagtatalo na nag-ugat umano sa asaran laban sa kapwa niya 15-anyos na binatilyo sa Barangay 2, Calamba City, Laguna.

15-anyos na estudyante, nasawi matapos ang pagtatalo dahil sa umano'y asaran
15-anyos na estudyante, nasawi matapos ang pagtatalo dahil sa umano'y asaran (Image for illustrative purposes only. Generated by AI)
Source: UGC

Kinilala ang biktima na si John Paul Morada, na idineklarang dead on arrival sa ospital ayon kay PLT Andrew Cyruz Parafina, chief investigator ng Calamba City Police. Naganap ang insidente sa harap ng isang tindahan bandang alas-10:30 ng gabi noong Nobyembre 18, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagalit umano ang suspek na isang out-of-school youth dahil sa panunukso ng biktima. Biniro umano ni Morada ang suspek na hindi na ito probinsyano at isa nang city boy matapos itong magsimba sa Maynila.

"Si suspect nagsimba sa Maynila, and si victim naman, parang inasaran si suspect na hindi na raw probinsyano itong si suspect. City boy na raw siya, so parang napikon si suspect," pahayag ni Parafina.

PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!

Ayon pa sa ulat ng pulisya, naawat na sa simula ang dalawang menor de edad. Gayunpaman, naroon umano sa lugar ang ama ng suspek na sinasabing nag-udyok sa kanyang anak na ituloy ang pag-atake sa biktima.

Read also

Senior citizen sa Quezon City, nasawi matapos ang pagtatalo sa kapwa tricycle driver

"After maawat, aalis na sana itong suspect, eh andoon pala ‘yung tatay. Nabanggit no’ng tatay, ano, pinagtutulungan n’yo ’yung anak ko? Doon nagkaroon ng lakas ng loob itong suspect na saksakin si victim," dagdag ni Parafina.

Labis naman ang pagdadalamhati ng ama ng biktima na si Ronaldo Morado sa biglaang pagkawala ng kanyang bunsong anak. Ayon sa kanya, nagsusumikap siya sa pagtatrabaho bilang isang construction worker sa Maynila upang maitaguyod ang pag-aaral ni John Paul.

Agad na tumakas ang suspek at ang kanyang ama matapos ang insidente. Ngunit kinabukasan, kusa nang isinuko ng ina ng suspek ang kanyang anak sa mga awtoridad.

"Alam po namin na masama ang ginawa niya. Para po mabigyan ng hustisya ’yung nagawa ng anak ko," sabi ng ina ng suspek.

Itinuturing na child in conflict with the law ang 15-anyos na suspek at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), bagama't sinampahan na rin siya ng kasong h0micide kasama ang kanyang ama. Ipinaliwanag ni Parafina na maaari pa ring managot sa batas ang binatilyo kung mapapatunayang kumilos ito nang may tamang pag-iisip o discernment.

"At the age of 15, kapag nalaman natin na may discernment sa ginawa niya, mayroon po siyang pananagutan. Maaari po siyang makulong," ani Parafina.

Read also

Lalaki, binawian ng buhay matapos ang alitan sa isang pagsasalo sa Ibaan, Batangas

Kinuwestiyon din ng ama ng biktima ang naging aksyon ng ama ng suspek na dapat sana ay umawat sa gulo sa halip na gatungan pa ang anak.

Sa kasalukuyan, patuloy ang manhunt operation ng pulisya upang madakip ang tumakas na ama ng suspek. Ang mga ganitong insidente ng karahasan na nag-uugat sa simpleng pagtatalo ay patuloy na nagdudulot ng pangamba sa mga komunidad sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Sa isang hiwalay na insidente sa Bacolod City, isang mainitang pagtatalo rin sa loob ng isang bar ang nauwi sa malagim na krimen sa labas ng establisimyento. Isang biktima ang binawian ng buhay habang dalawang iba pa ang nagtamo ng mga sugat matapos sumiklab ang kaguluhan. Patuloy na iniimbestigahan ng mga lokal na awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot upang mapanagot sa batas.

Samantala, nagluksa rin ang hanay ng kasundaluhan matapos masawi ang dalawang sundalo sa isang insidente ng pananambang sa lalawigan ng Sultan Kudarat. Batay sa paunang imbestigasyon, sinundan umano ang mga biktima bago sila pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek. Nagsagawa na ng masusing operasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo at madakip ang mga nasa likod ng krimen.

Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!

Source: KAMI.com.gh

Authors:
Glory Mae Monserate avatar

Glory Mae Monserate