David Chua, nagka-closure sa ama: "Sana pinuntahan ko siya kaysa nakausap ko siya na nang bangkay”
- Natagpuan ni David Chua ang closure sa relasyon nila ng kanyang ama matapos niya itong kausapin sa huling pagkakataon
- Siya ang nag-asikaso ng pagpapalabas ng katawan ng ama mula sa ospital at nag-organisa ng proper burial ayon sa habilin nitong ma-cremate
- Inamin ni Chua na lumaki siyang may kakulangan dahil sa kawalan ng ama at pagsisisi na hindi niya ito nakita habang nabubuhay pa
- Nalaman niya mula sa nag-alaga sa kanyang ama na matagal nang gustong makita siya nito at proud na proud sa kanyang mga naabot
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Ibinahagi ng aktor na si David Chua na sa wakas ay natagpuan na niya ang closure sa matagal nang masalimuot na relasyon nila ng kaniyang yumaong ama, ngunit huli na ang lahat dahil nagawa lamang niya itong kausapin sa huling pagkakataon nang wala na itong buhay.

Source: Instagram
Ang huling beses na nakita ni Chua ang kaniyang ama na si Gerson Kumer Mallillin, isang Filipino-German, ay noong siya ay 13 taong gulang pa lamang. Ngayon, sa edad na 36, inamin ng aktor na sa kabila ng kaniyang pagsisikap na muling makipag-ugnayan, nanatili pa ring minimal ang kanilang komunikasyon, na limitado lamang sa maiikling usapan online.
“Noong sinabi sa akin [March 21] na sumakabilang buhay na ang tatay ko, pinuntahan ko siya sa Antipolo. Nasa freezer na siya nang makita ko. Sabi ko sa mga tauhan ng punerarya, ‘Puwedeng bigyan ninyo muna ako ng two minutes lang?’ Lumabas sila, kinausap ko ang tatay ko, hinawakan ko ang ulo niya. Kinausap ko siya sa isip ko. Sabi ko, rest in peace. Pinapatawad ko siya, sana ganoon din siya sa akin kahit may pagkukulang siya,” emosyonal na kwento ng aktor.
Si Chua rin ang nag-asikaso ng pagpapalabas sa katawan ng kaniyang ama mula sa ospital at nag-organisa ng isang maayos na libing alinsunod sa huling habilin nito na nais niyang ma-cremate. “Inilabas ko sa hospital kasi walang panglabas, so ako ang naglabas. Ako rin ang nag-asikaso ng kanyang proper burial kasi ang huling bilin niya, gusto niya na i-cremate,” dagdag pa niya.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Bilang isa sa 16 na anak na iniwan ni Gerson, inamin ni Chua na lumaki siyang may malaking kakulangan dahil sa kawalan ng ama. “Malaking bagay 'yung wala kang tatay. Lahat ng mga pinsan ko may pamilya, lahat sila kumpleto. Ako, nag-iisa. Namatay pa ang nanay ko noong 2020. Tapos nagsara pa noon ang ABS-CBN, nawalan ako ng trabaho, pandemic pa. Sunud-sunod pero ayoko nang isipin iyon kasi nakatayo naman ako ngayon. Kaya ko ang sarili ko, so okay na iyon,” ani Chua.

Read also
Anak ni Mark Leviste, binisita si Kris Aquino: "Hindi mawawala ang aming pagmamahal kay TK"
Bagama’t nagkaroon ng pagkakataon, pinagsisihan ng aktor na hindi niya nagawang puntahan ang ama habang ito ay nabubuhay pa. “May ibinulong ako sa kanya. Sabi ko, ‘I’m sorry hindi kita napuntahan noong buhay ka pa. Napatawad na kita,’” aniya.
“Sana nabigyan ko siya ng oras. Sana pinuntahan ko siya para nagkausap kami bago siya namatay. Pinakawalan ko yung butas ng oportunidad na napakanipis. Sana pinuntahan ko siya kaysa nakausap ko siya na nang bangkay,” dagdag pa ni Chua.
Nalaman ni Chua mula kay Josh, ang Good Samaritan na nag-alaga sa kaniyang ama, na matagal na rin nitong hinangad na makita siya. “Sabi sa akin ng nag-aalaga sa kanya, ‘Kamukhang-kamukha mo ang tatay mo, pati sa pagporma.’ Kasi nakita niya, naka-leather jacket ako, naka-boots. Alam niya na artista ako. Sabi sa akin ng nag-alaga sa kanya, proud na proud daw sa akin ang tatay ko. Pag lumakas daw… gusto akong makita,” emosyonal na kwento ni Chua.
“Mabait na tao nag-alaga. Kung makikita raw tinitirahan niya dati parang sa aso kaya hinanapan niya marerentahan,” dagdag niya.
Sa kabila ng panghihinayang, nakakaramdam naman si Chua ng ginhawa matapos ang kanilang huling pagkikita. “Nakahanap ako ng closure noong kinausap ko siya. Pagkatapos noon, parang lumuwag 'yung dibdib ko na parang 'yung dinadala ko dati, nawala na. Kasi alam ko, kakampi ko ang nanay ko, nasa langit na. Nagkaroon pa siguro ako ng isang anghel na kakampi ulit, kaliwa’t kanan na sila sa langit,” pahayag niya.
Hinikayat din ni Chua ang mga taong may katulad na sitwasyon na samantalahin ang pagkakataong makipag-ayos sa kanilang mga mahal sa buhay bago pa mahuli ang lahat. “Kung meron kayong ganoong klase na sitwasyon sa buhay, sana tanggalin na natin 'yung poot, 'yung galit. Nandoon na 'yung opportunity para makausap ninyo sila, 'yun na 'yun,” saad ng aktor.
Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan, tila natagpuan na ni Chua ang kapanatagan sa kanyang puso matapos ang emosyonal na kwento ng pagpapatawad at pamamaalam sa kanyang ama.
Si David Chua ay isang Filipino actor, director, at producer. Nakilala siya bilang dating miyembro ng Star Magic at lumabas sa iba't ibang teleserye ng ABS-CBN, kabilang ang My Binondo Girl at Bridges of Love. Bukod sa pag-arte, isa rin siyang direktor at may sariling production company na Dark Carnival Productions.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh