Carlos Agassi, nagbahagi ng saloobin tungkol sa dating mga ka-grupong 'The Hunks'
- Ibinahagi ni Carlos Agassi sa kanyang TikTok account ang kanyang saloobin tungkol sa pagkakabuwag ng "The Hunks" at ang pagkawala ng komunikasyon sa kanyang dating mga kasamahan
- Sinabi niyang ang ilan sa mga miyembro ay mas piniling magkaroon ng solo career kaya tuluyang nabuwag ang grupo at wala nang komunikasyon sa pagitan nila
- Ikinuwento niyang kahit noong siya ay naaksidente, wala ni isa sa kanyang mga dating kasamahan ang nagparamdam o nag-check sa kanyang kalagayan
- Inamin niyang sinubukan niyang imbitahan ang kanyang dating mga kasamahan sa kanyang music video ngunit wala ni isa ang tumugon sa kanyang mensahe
MAKI-TINGIN KA NAMAN: Pwede ka nang mag-comment sa mga artikulo ng KAMI! Subukan mo, madali lang!
Sa pamamagitan ng kanyang TikTok account, ibinahagi ni Carlos Agassi ang kanyang saloobin sa pagkakabuwag ng kanyang dating grupo, ang "The Hunks." Nang tanungin kung mayroon pa siyang komunikasyon sa kanyang mga dating kasamahan, nagbiro si Agassi ngunit tila may bahid ng hinanakit.

Source: Instagram
“Kaya nga nabuwag eh,” aniya nang sagutin ang tanong ng isang tagasubaybay.
Ayon kay Agassi, ang pagkawatak-watak ng grupo ay dahil sa kagustuhan ng ilan na magkaroon ng kanya-kanyang karera. “Kasi kung group, pantay-pantay kami sa lahat eh, sa exposure, sa TF (talent fee), sa career. So, para makaangat 'yung iba, parang nabuwag. Ganon na nga ang nangyari, and then, wala na, wala na talaga,” pagbabahagi niya.
Maliban sa paghihiwalay ng grupo, tila may tampo rin si Agassi sa pagkawala ng komunikasyon nila. Ibinunyag niyang wala ni isa sa kanyang dating mga kasamahan ang nagparamdam nang siya ay maaksidente. “Kahit noong napilayan ako, walang nag-check, pero okay lang,” saad niya.
PAY ATTENTION: Follow us on Instagram - get the most important news directly in your favourite app!
Bagamat hindi siya binayaran, pumayag siyang maging guest sa ilang overseas gigs ng kanyang dating mga kasamahan dahil sa kanilang pagiging "magkakapatid." “Hindi, brother kita, kuya ko kayong lahat, ako ang pinakabata eh. Tara, walang bayad. I'll do it for you, my bro!”
Ngunit nang siya naman ang humingi ng pabor para sa kanyang music video na "Milktea," walang sumagot sa kanyang mga mensahe. “Marami akong minessage para lumabas sa music video, (puro seen),” paglalahad niya.
Sa kabila ng kanilang tila lumamig na relasyon, nagkita muli si Agassi at ang iba pang dating miyembro ng "The Hunks" sa kaarawan ni Johnny Manahan. “Siyempre showbiz, ‘hi guys!’ Binati pa nila ako lahat, sila unang bumati,” aniya. Ngunit tila hindi niya naiwasang ihambing ang kaibahan ng showbiz at tunay na buhay.
“Ibang-iba talaga in showbiz at in real life. Ganito talaga ang buhay, pero hindi masama 'yun. That’s life! Magkaka-kompetensya pa rin kami, ayaw nilang makabalik ako!” dagdag niya.
Matatandaang ang "The Hunks" ay isang sikat na male group noong early 2000s na kinabibilangan nina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Diether Ocampo, Bernard Palanca, at Carlos Agassi. Regular silang napapanood sa programang "ASAP," kung saan hinangaan sila ng kanilang mga tagahanga dahil sa kanilang kakisigan at karisma.
Pagkatapos mabuwag ang grupo, nagpatuloy sa kani-kanilang karera ang mga miyembro. Sina Pascual at Rosales ay nanatiling top stars ng ABS-CBN, habang si Palanca ay naging isang character actor at si Ocampo naman ay bihira nang lumabas sa telebisyon. Samantala, nag-pokus si Agassi sa kanyang mga negosyo, kabilang ang isang music studio, at paminsan-minsan ay bumabalik sa spotlight.
Bagamat may mga kontrobersiyang kinaharap, patuloy si Agassi sa paggawa ng musika at pagpapalago ng kanyang negosyo. Sa pamamagitan ng social media, lalo na sa TikTok, ibinabahagi niya ang kanyang pang-araw-araw na buhay at mga pananaw sa kanyang nakaraan sa showbiz.
Bagong feature: Tingnan ang mga balitang para sa'yo ➡️ hanapin ang "Recommended for you" block at mag-enjoy!
Source: KAMI.com.gh